HATAW News Team
NAGHAIN ng dalawang urgent motion sa Office of the Ombudsman si Bamban (Tarlac) Mayor Alice Guo na humihiling na bawiin ang ipinataw na 6 months preventive suspension.
Sa inihaing Urgent Motion for Reconsideration at Urgent Motion to Lift Preventive Suspension, iginiit ni Guo, wala siyang kasalanan at hindi makatuwiran ang ipinataw na preventive suspension na nag-ugat sa pagganap niya ng tungkulin bilang alkalde.
“The suspension should be lifted on the ground that grave errors of facts or law or serious irregularities have been committed. The complaint have no basis either in fact and in law, based on mere surmises, speculations, opinions, and questionable findings without the required quantum of evidence,” nakasaad sa mosyon.
Sinabi ni Atty. Stephen David, isa sa mga abogado ni Mayor Guo na naghain ng mosyon sa Ombudsman, walang mabigat na ebidensiya laban sa kanyang kliyente at lubhang mabigat ang 6-buwang suspensiyon.
Umaasa ang kanilang kampo na agad reresolbahin ng Ombudsman ang mosyon lalo pa’t nakasalalay dito ang pagganap ni Mayor Guo ng kanyang tungkulin bilang halal na opisyal ng lokal na pamahalaan.
“Nanatiling matatag si Mayor Guo sa hangarin na makamit ang katarungan at makamtan ang patas na pagtrato sa mga alegasyong ipinupukol sa kanya,” paliwanag ni Atty David.
“Umaasa kami na babawiin ang suspension order hindi lamang para kay Mayor Guo kundi para sa mga residente ng Bamban,” dagdag nito.
Matatandaan, ang suspension order ay nag-ugat sa reklamo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagkaroon ng paglabag sa grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service si Mayor Guo nang bigyan ng business permit ang isang POGO operator.
Bukod kay Guo, kasama rin sa sinuspinde ng Ombudsman sina Bambam Tarlac Business Permit and Licensing Officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua.
Samantala, ipinunto ni Atty. David na 17 Enero 2024 lamang na-renew ang business permit ng Zun Yuan Corporation nang makasumite ng requirements sa Business Process and Licensing Office (BPLO).
“Here, there is no proof that respondent Guo was motivated by a premeditated, obstinate or deliberate intent of violating the law or any established rule,” ani David.
Sinabi ni Atty. David, umaasa silang agad irerekonsidera ng Office of the Ombudsman ang kanilang inihaing mosyon.
“Mayor Guo most respectfully and humbly prays that the Order of Preventive Suspension be immediately lifted and that herein respondent should not be held liable for any administrative charges,” pagtatapos ni Atty. David.