PATULOY ang pagbibigay ng suporta at tulong ni Las Piñas City Vice Mayor April Aguilar sa komunidad matapos personal na tutukan ang pamamahagi ng ayuda sa mga Las Piñeros sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo Program na isinagawa sa Verdant Covered Court, Barangay Pamplona Tres sa lungsod.
Sa naturang programa naghandog ng abot-kayang mga produktong pagkain gaya ng bigas sa mas mababang presyo kompara sa merkado at nagkaloob ng tulong pinansiyal o financial assistance sa mga residente.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng pambansang hakbang sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng bilihin at siguruhin ang seguridad sa pagkain.
Pinangasiwaan ng City Social Welfare and Development Office ang cash payout na tig-P2,000 ang ipinamahagi sa 5,000 indibiduwal mula sa mahihirap na pamilya, senior citizens, people with disabilities (PWDs), miyembro ng grupong kababaihan na Kalipi at sektor ng kabataan.
Binigyang-diin ni Vice Mayor Aguilar ang importansiya ng ganitong pinagsama-samang inisyatiba na nagbibigay ng mahalagang suporta sa komunidad.
Nagpapatuloy ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan na sumasalamin sa kanyang dedikasyong mapabuti ang kapakanan at antas ng pamumuhay ng mga residente ng Las Piñas City. (EJ DREW)