INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang 37 Chinese nationals na pinaniniwalaang sangkot sa illegal retail sa lungsod ng Parañaque.
Sa report kay BI Commissioner Norman Tansingco, sinabi ni intelligence division Chief Fortunato Manahan, Jr., ang 37 Chinese nationals ay naaresto sa loob ng Multinational Village sa Parañaque.
Kabilang sa mga naaresto ang pitong babae at 30 lalaki na napag-alamang sangkot sa ilegal na pagtitinda ng pagkain, groceries, at restaurant sa lugar.
Sinabi ni Tansingco, nag-ugat ang pag-aresto dahil sa natatanggap na report kaugnay sa mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa loob ng subdivision.
Lahat ng 37 dayuhan ay ikukulong sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang pagresolba sa mga kasong deportasyon na isasampa laban sa mga dayuhan. (NIÑO ACLAN)