HINILING ni Senador Lito Lapid sa pamahalaan na magpatupad ng price control sa Canlaon City matapos magbuga ng abo ang Mount Kanlaon sa Negros Occidental nitong Lunes.
Base sa pagtaya ng PHIVOLCS, sinabi ni Lapid na posibleng muling sumabog ang bulkang Kanlaon sa mga susunod na araw kaya itinaas ang alerto sa level 2.
Sa ilalim ng batas, sinabi ni Lapid, maaaring magpatupad ang lokal na pamahalaan ng price control para hadlangan ang pagsasamantala ng mga tusong negosyante sa panahon ng kalamidad.
Kinatigan ni Lapid ang pahayag ni Canlaon City Mayor Batchuk Cardenas na magdedeklara sila ng state of calamity matapos sumabog ang bulkan.
“Kailangan ng ating mga apektadong kababayan ng kagyat na tulong sa pamamagitan ng mabilis na paglalabas ng sapat na pondo para sa kanilang pangangailangan, lalo sa sektor ng kalusugan at agrikultura,” ayon sa Senador.
Kasunod nito, pinayohan ni Lapid ang mga lokal na pamahalaan sa Negros Occidental na maghanda sa mas malalang sitwasyon kung patuloy sa pag-aalboroto ang bulkan dahil sa banta nito sa kalusugan at buhay ng mga tao.
Ayon kay Lapid, dating Governor ng Pampanga nang pumutok ang Mount Pinatubo noong 15 Hunyo 1991, kailangan ang pagtutulungan ng mga emergency response agency, hospitals, pharmacies at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Nang pumutok ang bulkang Pinatubo, umabot sa 20,000 katao ang inilikas, 10,000 katao ang nawalan ng tahanan at 847 ang nasawi.
Naitala ng PHIVOLCS ang 43 volcanic earthquakes at na-monitor ang paglabas ng 799 tonelada ng sulfuric acid dioxide na umabot hanggang sa limang kilometro ang taas.
Sa nasabing pagsabog, higit 1,000 katao na ang inilikas mula sa limang barangay sa Canlaon City at iba pang kalapit bayan na naapektohan nito.
Naranasan ang ashfall sa Bago City, La Carlota City, La Castellana, Negros Occidental at Canlaon City, Negros Oriental. (NIÑO ACLAN)