TULAD ng maraming small business owners, maraming iniinda sa negosyo ang carinderia owner na si Rolando Fajardo.
“Minsan mahina, minsan matumal, lalo na kapag tag-ulan.”
Ito ang kanyang pagbabahagi matapos masayang makatanggap ng tulong-pangkabuhayan mula kina Senator Alan Peter at Pia Cayetano nang bisitahin ng kanilang mga tanggapan ang mga lungsod ng Marikina at Pasig noong 31 May 2024.
“Nagpapasalamat po kami sa inyo na binigyan n’yo kami ng karagdagang puhunan para sa aming mga negosyo,” wika niya, at sinabing napapanahon ang tulong na natanggap ng kanilang komunidad sa Marikina.
Sa pakikipagtulungan sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), iniabot ng magkapatid na senador ang mga kababaihan, LGBTQIA+ individuals, at solo parents upang mas palakasin ang kanilang mga kabuhayan.
Apatnapung benepisaryo mula sa Marikina City at 27 mula sa Pasig City ang nakatanggap ng pandagdag sa kanilang mga puhunan upang mapataas ang kanilang kita.
Ibinahagi ni Maria Herrera ng Rosario, Pasig City na kinakailangan niyang pagsabay-sabayin ang iba’t ibang trabaho upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang limang anak.
“Umeekstra po akong maglabada para sa aking limang anak. Gagamitin ko po itong natanggap kong puhunan para bumili ng school supplies dahil iyon po ang gusto kong hanapbuhay kasabay ng pagtitinda ng lutong ulam,” wika niya.
Ang pagbisita ng mga tanggapan ng Cayetanos sa mga lungsod na ito ay hindi ang unang pagkakataon na nagbigay sila ng mahahalagang tulong sa mga residente sa Marikina at Pasig. Noong nakaraang taon, maraming residente rin ang nakatanggap ng livelihood support mula sa Cayetano-DSWD partnership.
Sila ay patuloy na nakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang makapaghatid ng mahahalagang tulong sa mga nangangailangan na kababayan.
Ngayong linggo, bukod sa National Capital Region (NCR), sabay-sabay din silang nakipag-ugnayan sa mga residente ng Davao del Norte, Davao del Sur, Bulacan, at Laguna. (NIÑO ACLAN)