NAKATAKDANG lagdaan ngayong araw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang isang ganap na batas ang panukalang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” na pangunahing awtor si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Layon ng naturang batas na bigyang pugay ang labis na pagisikap at dedikasyon ng mga public school teacher sa pamamagitan ng pagdadagdag ng kanilang taunang teaching allowance.
“Walang mapaglagyan ang aking pasasalamat at tuwa na mabalitaan na magiging batas na ngayong araw ang Kabalikat sa Pagtuturo Act. Ngayon pa lang ay labis na akong nagpapasalamat kay PBBM sa pag-aproba ng aking panukala. Higit pang nakatutuwa na agad itong mapipirmahan ng Presidente matapos lagdaan ang aking mga panukalang amendment sa Centenarian Law at ang pagbabawal sa “No permit, no exam” policy. Ang magiging bagong batas na ito ay katuparan ng matagal nang hiling ng mga guro na magkaroon ng dagdag na panggastos para sa kanilang epektibong pagtuturo,” ani Revilla.
“This is truly a monumental day for our dear teachers. They will already reap the sweet fruits of our labor since we started championing this 5 years ago,” dagdag ni Revilla.
Nakapaloob sa probisyon ng naturang batas na ang teaching allowance ng bawat public school teachers ay madaragdagan ng P5,000 kaya mula sa kanilang dating tinatanggap na P5,000 ay magiging P10,000 simula sa taong 2025-2026.
“Sa kasalukuyan, ang natatanggap po na teaching allowance ng ating mga guro na mas kilala bilang ‘chalk allowance’ ay P5,000 taon-taon. Pero bunsod ng nagtataasang presyo ng bilihin, ito po ay hindi na sumasapat. Madalas nga ay naglalabas na sila ng pera galing sa sariling nilang bulsa upang may maipambili ng mga gamit sa pagtuturo. At hindi na rin lang chalk o iba pang supplies ang kinakailangan ngayon. Dahil sa blended modality ng pagtuturo, nandiyan na rin ang pangangailangan ng mga guro sa internet connection, koryente, laptop, at iba pa upang makapagturo nang maayos,” paliwanag ni Revilla.
Batay sa datos, ang public school teachers ay tumatanggap ng allowance para sa kanilang aktuwal na pagtuturo noong 1988 ng P100 allowance lamang samantala noong 1989-1992 ay P200, P300 naman noong 1993-2007, P500 sa taong 2008, P700 sa taong 2009-2011, P1,000 sa taong 2012-2014, P1,500 para sa taong 2015-2016, P2,500 sa taong 2017, P3,500 sa taong 2018-2020, at P5,000 noong taong 2021 hanggang sa kasalukuyan.
“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng naging kasangga at kakampi natin para maabot natin ang pangarap na ito. Sa aking mga kasamahan sa Senado lalo sa mga co-authors, maraming salamat po. Pasasalamat din po sa ating mga kasamahan sa House of Representatives for joining us in our fight for the passage of this measure. Ultimately, maraming-maraming salamat sa mga guro na nangarap kasama namin. Ito ay panalo ninyo! Ito ay panalo ng buong sektor ng edukasyon!” buong pagmamalaking pahayag ni Revilla.
Si Revilla, kilalang tagapagtguyod ng kapakanan ng mga guro ay nagsabing, “Isang hakbang pa lamang ito sa marami pa rin nating mga ipapasang panukala upang bigyang-sandata ang ating mga guro lalo na’t ang kanilang papel na ginagampanan sa buhay ng ating mga kabataan ay hindi matatawaran.” (NIÑO ACLAN)