HUMINGI ng saklolo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kasunod ng pahayag na magsasampa ng patong-patong na kaso ang pamunuan ng International King and Queen Inc., isang entertainment club na matatagpuan sa Macapagal Road sa lungsod ng Pasay laban sa mga tauhan ng Special Project Group (SPG) ng nasabing ahensiya.
Ayon kay Atty. Jan Louie Antonni Cabral, abogado ng nasabing establisimiyento, maituturing na ilegal ang pagsalakay ng mga operatiba dahil walang naipresentang ‘search warrant’ bago isagawa ang operasyon.
Bukod sa mga nakalap na impormasyon, may mga customer at empleyado ang kinuhaan ng pera at iba pang personal na kagamitan na maituturing na ilegal.
Hindi kinagat ni Atty. Cabral ang katuwiran ng mga nagpakilalang awtoridad na gagamitin ang mga kinompiskang kagamitan at pera sa mga ‘nahuli’ bilang ebidensiya sa korte.
Paliwanag ni Atty. Cabral, ito ay pag-aari ng mga customer kaya’t ilegal ang ginawang pagkuha ng mga operatiba ng DILG sa mga personal na kagamitan.
Kabilang sa nakikitang kasong maaring isampa ng kompanya laban sa mga operatiba ay ang robbery extortion, illegal seize and search, harassment at kasong kasong kriminal at administratibo.
Bukod pa sa kasong illegal arrest at pagsasampa ng kaso sa Tanggapan ng Ombudsman laban sa naturang grupo lalo na’t inabuso ang kanilang kapangyarihan.
Naninidigan at pinabulaanan ni Cabral ang ibinibintang na may ilegal na gawaing nagaganap sa naturang establisimiyento katulad ang pagkakaroon ng empleyadong menor de edad, human trafficking, at sex den.
Binigyang-linaw ni Cabral, mayroong business permit mula sa lungsod ng Pasay ang naturang establisimiyento at nagbabayad ng kaukulang buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Tinukoy ni Cabral, ang bawat empleyado nila ay kumukuha ng working permit mula sa pamahalaang lungsod ng Pasay na magpapatunay na hindi sila menor de edad at maging ang kanilang mga empelyado ay may sapat na dental record bukod pa sa biometrics sa lahat ng kanilang empleyado.
Magugunitang pinasok ng mga operatiba ng DILG ang naturang establisimiyento noong Biyernes ng gabi matapos umano ang ilang araw na surveillance.
Kaugnay nito makailang-beses sinubukan at tinangka ng grupo ng mga mamamahayag na kunin ang panig ng rading team sa pamamagitan ng kanilang team leader na si Atty. Benjamin Tan upang hingin ang kanilang panig ngunit nabigong makipag-ugnayan ang opisyal.
Halos umabot nang mahigit dalawang oras ang paghihintay ng mga miyembro ng media kay Tan pero itinuro sila sa isang estasyon ng pulisya.
Nagtungo rin sa Pasay police headquarters at sa establisimiyentong pinangyarihan ng raid ngunit wala umanong Atty. Tan na nakausap ang media.
Ikinatuwiran ng mga tauhan ng grupo na wala silang karapatang magsalita kundi tanging si Tan lamang at papunta na umano para makipagkita sa media ngunit hindi ito nangyari.
Matapos ang dalawang oras na paghihintay hindi lumutang ang abogado para sagutin ang mga alegasyon.
Kaugnay nito nagpahayag ng pangamba ang mga asawa ng mga kababaihang pinigil ng mga operatiba dahil halos kalahating araw na nilang hindi nakakausap ang kanilang asawa, wala silang balita kaya’t labis silang nangangamba sa kanilang kaligtasan. (NIÑO ACLAN)