INIANUNSIYO ni Mayor Ruffy Biazon sa mga mag-aaral at magulang ng Muntinlupa City na magpapatuloy ang distribusyon ng libreng sapatos at school supplies ngayong taon sa lahat ng mga mag-aaral sa public schools sa lungsod.
Kung noong nakaraang taon ay black leather shoes ang ipinamahagi ng pamahalaang lungsod, ngayong darating na school year ay MUNwalk sneakers ang matatanggap ng mga mag-aaral, kasama ng school bag at school supplies.
“Tulong ito ng pamahalaang lungsod para sa mga kabataang Muntinlupeño at sa kanilang pamilya lalo ngayong patuloy ang pagtaas ng bilihin,” masayang pagbabalita ni Mayor Biazon.
Ayon kay Mayor Biazon, high quality, matibay at maipagmamalaki ang MUNwalk sneakers na mayroong stylish design na magagamit sa loob at labas ng paaralan.
Bukod sa rubber shoes, bawat public school student mula kinder hanggang Grade 12 ay makatatanggap ng school bag, notebooks, lapis o ballpen, at pad paper. Ang mga mag-aaral sa early childhood education centers ay mabibigyan naman ng water bottle, school bag, notebooks, pad paper, at set of crayons.
“Gusto nating mabawasan ang mga balakid sa pag-aral ang mga bata. Gusto nating may access sila sa mga oportunidad para magtagumpay sa buhay,” ayon kay Mayor Biazon.
Target ng pamahalaang lungsod na i-distribute ang libreng sapatos at school supplies bago ang pagsisimula ng pasukan sa 29 Hulyo 2024. (EJ DREW)