UMABOT sa 2,000 Batangueño ang nakatanggap ng tulong mula sa mga opisina nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa loob ng dalawang araw na pamamahagi nitong 21 Mayo at 23 Mayo 2024 sa mga bayan ng San Jose, San Luis, at Bauan, Batangas City.
Sa ilalim ito ng Assistance to Individuals in Crisis Situations Program (AICS), isang social welfare initiative na pinangungunahan ng magkapatid na senador sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Naghatid ng tulong ang programa sa iba’t ibang sektor kabilang sa mga magsasaka, estudyante, kababaihan, solo parents, persons with disabilities (PWDs), mga nangangailangan ng tulong medikal, at mga naulilang miyembro ng pamilya.
Nitong 23 May, ang programa ay nakatuon sa pamamahagi ng tulong pangkabuhayan, na 851 indibiduwal mula sa 35 asosasyon ang nakinabang sa inisyatiba ng mga senador.
Naisakatuparan ang tagumpay ng AICS Program sa lungsod sa pamamagitan ng koordinasyon ng dating kinatawan ng ikalawang distrito ng Batangas na si Raneo Enriquez Abu, na nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sa mga senador para sa kanilang suporta sa kanyang mga kababayan.
Sa mga darating na araw, nakatakdang magtungo ang programa sa Pampanga, Laguna, at Davao, upang mabigyan ng agarang tulong ang mas nakararami pang Filipino, partikular ang mga lubos na nangangailangan. (NIÑO ACLAN)