NANGANGAMBA ang labor group na mabaon sa limot ang isinusulong na legislative wage hike matapos na mapatalsik sa puwesto si Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ayon kay Ka Leody De Guzman sa kanyang pagdalo sa lingguhang “The Agenda” media forum sa Club Filipino, nangangamba sila sa kahihinatnan ng naturang panukala matapos nilang mabatid na isa ito sa dahilan kung bakit napatalsik sa puwesto si Zubiri.
Sa ilalim ng lidrerato ni Zubiri ay tiniyak niya sa labor sector na kanyang suportado ang naturang panukala lalo sa kasalukuyang situwasyon ng pamumuhay ng bawat mamamayang Filipino.
Umaasa si De Guzman na hindi ito ‘uupuan’ ng panibagong Senate President na si Senador Francis “Chiz” Escudero.
Bukod dito umaasa si De Guzman na hindi lamang ito bibigyang pansin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kundi babanggitin din sa kanyang darating na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.
Nanindigan si De Guzman na hindi sila papayag sa tila hulugan o patingi-tinging wage hike dahil hindi ito makatarungan.
Gayondin ang regional wage hike dahil dapat ay pantay-pantay ang pagtaas ng sahod ng bawat manggagawang Filipino saanmang panig ng bansa. (NIÑO ACLAN)