NAKATANGGAP ng isang sulat ang House committee on legislative franchise na naglalaman ng reklamo mula sa BDO-Unibank na naglalarawan sa oversized power ng Meralco kaugnay sa kabiguang makapag-supply ng koryente sa kompanya.
Ang sulat na ipinadala ng Manjores and Manjores law firm na kumatawan sa BDO, ay tinanggap bilang isang documentray evidence at bahagi ng record ng komite na inaasahang pag-aaralan at tatalakayin kaugnay sa maaagang pagre-renew ng prangkisa ng Meralco.
Batay sa liham, ang BDO ay nagsumite ng aplikasyon para sa koneksiyon ng koryente sa kanilang development project sa kanilang headquarters sa lungsod ng Makati.
Isa mga gusali ay isang high-rise tower samantala ang annex building ay may kabuuang sukat na 11,492 square meters na ang konstruksiyon ay nagsimula noong 2022 at inaasahang matatapos sa 2028.
Ngunit nag-demand ang Meralco ng lupang may sukat na 684-square meter bilang kondisyon para bigyan ng koneksiyon at supply ng koryente ang BDO development.
“There is apparent discrimination because Meralco has imposed a burdensome condition on BDO concerning the latter’s application for electricity service,” bahagi ng nilalaman ng liham na naka-address kay Atty. William S. Pamintuan, head ng Meralco legal services na isinumite sa komite.
Sinabi ng BDO na ang hinihinging sukat ng Meralco ay lugar ng substation para sa koryente na kailangan ng kompanya.
Umabot sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang negosasyon ng dalawa na parehong nagsumite ng kani-kanilang mga liham.
Noong 2022, nagdesisyon ang ERC pabor sa BDO at inutusan ang Meralco na bigyan ng kinakailangang koryente ang kompanya.
Ngunit sa pagdinig ng komite ay ibinunyag ni congressman Johnny Pimentel, hindi nangyari ang kautusan ng ERC sa Meralco na bigyan ng supply ng koryente ang BDO.
Ayon kay Pimentel minsan nang inamin ito ng kinatawan ng Meralco nang dumalo sa isa sa mga pagdinig.
“There was a decision for Meralco to act on this but after two years, until now, there has been no action from Meralco,” ani Pimentel.
Naniniwala si Pimentel na hindi dapat ipagwalang-bahala ang liham na ipinadala ng BDO sa komite.
“The letter, coming from the country’s biggest bank, could adversely affect Meralco’s advanced bid to renew its franchise which would expire in 2028 yet. This could greatly affect your application if we cannot resolve this issue,” dagdag ni Pimentel.
Kinompirma ng opisyal ng Meralco na mayroong aplikasyon para sa power connection ang BDO para sa expansion project sa lungsod ng Makati na nangangailangan ng “several hundreds of megawatts.”
Ayon sa kinatawan ng Meralco, ang hinihinging supply ng koryente ng BDO ay nangangailangan ng isang bagong substation ngunit ang problema ay walang bakanteng lugar sa Makati CBD para itayo o ilagay ito.
Ngunit, anila, ang kanilang negosasyon sa BDO ay sasagutin ng Meralco ang gastusin ng mga equipment at lahat ng bagay na kailangang pagkakagastosan maliban sa lupa na dapat ay sagot ng BDO.
Iginiit ng kanilang kinatawan na standard operating procedure (SOP) na mag-demand ang Meralco ng lupa para sa isang bagong substations sa mga kaso ng “new developments.”
“A new development or developers for example like Ayala, we will require Ayala to provide us with a land. If Meralco absorbed the cost of land in connecting big users to new supply, ‘all our costs’ will go up,” anang kinatawan ng Meralco.
Isa sa mungkahi ng Meralco sa BDO ay i-integrate ang substation sa banko sa pamamagitan ng “proposed vertical development” or magtayo ng pasilidad sa ilalim ng gusali.
Ngunit hindi ito agad sinang-ayunan ng BDO dahil sa usapin ng seguridad bagay na inihayag sa pagdinig ng mga opisyal ng Meralco.
“To serve the need of BDO, we’ll get the power from not so near substation facilities. All options are being explored to fulfill BDO’s power needs if no land was donated for the new substation,” dagdag ng opisyal ng Meralco.
Ngunit sa pagbabasa ni Pimentel sa resolusyon ng ERC noong 2022 inilalarawan na ang kahilingang lupa ng Meralco sa BDO ay maituturing na isang ‘excessive at unreasonable requirement’ para matugunan ng isang consumer sa kanyang pag-a-apply para sa supply ng koryente.
“So it states here furthermore that Meralco being the franchise holder has the sole obligation to and responsibility for providing power requirements of BDO. The 684 square meter land being demanded by Meralco in Makati CBD would cost hundreds of millions of pesos,” dagdag ni Pimentel.
Kaugnay nito sinabi ni Pimentel, kung mabibigong maresolba ito ng Meralco ay mapipilitan silang ipatawag ang BDO sa susunod na pagdinig ukol sa kanilang reklamo.
Malinaw sa sulat na natanggap ng komite na nilagdaan ng legal counsel ng BDO na humihingi sila ng tulong sa Komite upang maresolba ang kanilang problema sa Meralco.
“In short, they had come to this committee to seek help and this could affect your franchise application,” ani Pimentel sa mga opisyal ng Meralco. (NIÑO ACLAN)