ONIN’s THOUGHTS
ni Niño Aclan
MAHIRAP talagang masanay na isang social media icon lalo na kung ‘lax’ ang isang personalidad.
Isanghealth advocate at kilala sa medical community si Dr. Anthony “Tony” Leachon kaya hindi natin inakala na darating ang panahon na masasampahan siya ng cyberlibel dahil sa iresponsableng pahayag laban sa mga taong kung tutuusuin ay mga kasamahan din niya sa propesyon.
Dapat maging maingat sa cyberlibel dahil sa mga potensiyal na epekto nito sa buhay ng mga indibiduwal. Nagaganap ang cyberlibel o online defamation kapag napatunayang peke ang mga pahayag na nakasisira sa reputasyon ng isang tao o organisasyon, maaaring kumalat agad ang mga pahayag na ito at may mahabang epekto sa personal o propesyonal na buhay ng isang tao.
Dito nag-ugat kung bakit si Doc Leachon ay sinampahan ng kasong cyberlibel sa National Bureau of Investigation (NBI) ng Bell-Kenz Pharma, Inc., dahil sa anila’y pagpapakalat sa online ng “malicious, reckless, and baseless accusations.”
Inakusahan ni Dr. Leachon, ang Bell-Kenz na sangkot sa “unethical practices”.
Isa sa mabigat na bintang ni Leachon sa Bell-Kenz ay ang pagsasangkot dito sa multi-level marketing at pyramiding schemes gayondin ang pag-aalok umano ng magagarbong incentives sa mga doktor na magrereseta ng kanilang medical products.
Ang pinagmulan ng lakas ng loob ni Doc Leachon para ipahayag ito ay ang paglapit umano sa kanya ng ilang ‘whistleblowers’ at nagkompirma ng mga nasabing impormasyon na siya niyang isinapubliko.
Sa ganitong pag-amin ni Doc Leachon, parang sinabi rin niya na ‘hearsay’ at walang sapat na katibayan ang mga ipinahayag niya meaning hindi ‘first hand information’ ang hawak niya ukol sa kanyang mga ibinibintang sa Bell-Kenz Pharma.
Kaya naman sa isinampang cyberlibel case sa NBI, itinindig ni Bell-Kenz Corporate Secretary Atty. Joseph Vincent Go ang kanilang reputasyon at sinabing pawang walang basehan ang alegasyon ni Doc Leachon pero sa tindi umano ng kanyang mga pahayag ay nagresulta sa pagkasira ng kanilang reputasyon bilang isang mapagkakatiwalaang pharmaceutical company.
Hindi lamang ang pangalan ng kompanya ang nasira kundi nagresulta ito sa pagkasira ng reputasyon ng mga doktor na mas pinipiling magreseta ng mga gamot na gawa ng Bell-Kenz na 30% mas mura kaysa ibang produkto.
Desidido ang Bell-Kenz na ipagtanggol ang kanilang kompanya at inihahanda pa umano nila ang iba pang kaso laban kay Doc Leachon.
Aray ko!
Sinabi ni Atty. Go, handa silang humarap sa mga imbestigasyon na gagawin ng Senado o ng iba pang government health regulatory bodies ngunit ang kanilang hiling ay mabigyan sila ng patas na pagtrato.
Isa sa hiling ng Bell-Kenz sa NBI ay maalis sa social media ang mga “damaging posts” na pawang sinabi ni Dr. Leachon nang walang sapat na ebidensiya.
Kung hihimayin ang mga bintang ni Dr. Leachon na sinabi niyang sangkot sa multi-level marketing (MLM) at pyramiding schemes ang Bell Kenz ay malisyoso nga ito. Ang MLM at pyramiding scheme kasi ay nakasentro sa recruitment ng tao ngunit sa kaso ng Bell-Kenz ay nagbebenta ito ng pharmaceutical products at hindi nag-o-operate sa pamamagitan ng recruitment incentives.
Sa isyu na nagbibibigay ng magarbong regalo sa mga doktor gaya ng mga trip abroad at mamahaling gamit, hey, anybody but…?
Sinasabing ‘unethical’ ang ganitong gawain pero hindi maitatanggi na kahit saang ospital kayo magpunta, nagkalat ang medical ‘sales’ representatives ng iba’t ibang pharma companies.
Kung ang ganitong practice ang ibibintang sa Bell Kenz, hindi lamang dapat sila ang imbestigahan ng Senado sa isyung ito kundi ang buong industriya ng pribadong parmasya.
Sabi ng ani Doc Leachon, ang Bell-Kenz ay pagmamay-ari ng mga doktor, muli babalik tayo sa dati nang kuwestiyon, ang mga ospital, testing centers, drug stores at iba pa ay kadalasan na pagmamay-ari ng mga doktor kaya naman kung ang Bell-Kenz ay may mga doktor na kabilang sa mga may-ari ay maaari nating sabihin na ito ay ‘non issue.’
Ang malaking tanong lamang natin ay bakit kaya ang Bell-Kenz ang pinupuntirya? Marahil ay malaki itong kompanya at maraming mahuhusay na gamot kaya mas pinipili ng mas maraming doktor.
Ano sa palagay mo Onin?