PATULOY ang isinasagawang imbestigasyon ng Aircraft Accident and Inquiry Investigation Board (AAIIB) sa nangyaring pagsadsad ng isang training aircraft sa baybayin ng Barangay Canaoay, San Fernando, La Union.
Base sa inisyal na impormasyon, nakatanggap ng alert ang San Fernando Tower mula sa nasabing aircraft, may registered number RP-C6923 na nag-take-off sa Runway 19 ng San Fernando Airport nang biglang mag-crash sa baybayin ng Barangay Canaoay, San Fernando, La Union bandang 8:23 am, 21 Mayo.
Agad nagresponde ang mga rescuers mula sa Philippine Coast Guard (PCG) matapos makompirma ng San Fernando tower ang insidente.
Isinugod sa ospital ang mga biktima na sakay ng bumagsak na training aircraft na pag-aari ng Leading Edge International Training Aviation Academy, Inc. (LEIAAI) center.
Nagpadala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng mga imbestigador para malaman ang pinagmulan ng nasabing insidente.
Sakay ng sumadsad na eroplano ang flight instructor at student pilot at sinabing nagkaroon ng minor injuries. (NIÑO ACLAN)