INISA-ISA ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez ang mga dahilan para ibasura ang panukalang renewal ng Manila Electric Company (Meralco) kabilang dito ang kabiguan ng kompanya na magbigay ng update sa weighted average cost of capital (WACC) na isa sa mga dahilan upang matukoy ang presyo ng koryente.
Ayon kay Fernandez, Vice Chairman ng House Committee on Energy, pinagkalooban ng prangkisa ang Meralco sa ilalim ng RA 9209 na nag-oobliga na sila’y magsumite kada apat na taon ng WACC.
Nananatiling 14.97 porsiyento ang WACC ng Meralco simula pa noong 2010.
Ayon kay Fernandez, dapat matukoy ang WACC na target ng Meralco, dahil dito nakabase ang singil sa koryente kaya lumalabas na tumataas nang tumataas ang presyo.
Binigyang-diin ni Fernandez, ang 14.97 porsiyentong WACC ng Meralco simula pa noong 2010 ay hindi na napapanahon lalo sa kasalukuyan.
Naniniwala si Fernandez, ang WACC ng Meralco na inaprobahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ay malaking pabigat sa mga consumer at dahilan kung bakit Filipinas ang may pinakamataas na presyo ng koryente sa buong mundo.
Hindi naitago ni Fernandez na akusahan ang nakalipas na pinuno ng ERC na nakikipagsabwatan sa Meralco upang mapanatili ang WACC sa 14.97 porsiyento.
“Basically the problem we have seen is there’s a collusion between ERC and Meralco during the time of ERC chair Agnes Devanadera. I found six cases that the ERC approved at that time which allowed Meralco to adjust its maximum average price. This is where the wrong WACC of 14.97 percent is based,” ani Fernandez.
Ani Fernandez, ang WACC ay dapat nasa 8.27 porsiyento lamang upang maging P1.35 ang halaga ng singil sa koryente at bumababa hindi tumataas.
“Basically it was legitimized by ERC at that time. There are two rate-setting processes — confirmation and performance-based,” dagdag ni Fernandez.
Iginiit ni Fernandez, nabigo ang ERC sa kanyang mandato na bigyang proteksiyon ang mga consumer sa mababang singil na presyo dahil binigyan ng laya ang Meralco na magtakda ng kanilang singil sa koryente.
“On the part of ERC, that should have been adopted to lower the cost of electricity. Not to use the methodology to raise rates. The function of ERC is to regulate and this is being abused and not complied with. Why? ERC must protect consumers. Meralco must provide electricity at the very least cost. But it’s not being done,” paglilinaw ni Fernandez.
Aniya, bigong-bigo ang ERC na ipatupad ang kanilang moral obligation para pursigihin ang Meralco na i-adjust nito ang WACC.
“I think they have the moral obligation to compel Meralco, knowing that it’s much, much lower than 14.97,” dagdag ni Fernandez.
Dahil dito, iminungkahi ni Fernandez na imbes i-renew ang prangkisa ng Meralco ay mabuti pang hatiin ito sa tatlo para sa maayos at magandang kompetensiya. (NIÑO ACLAN)