ni NIÑO ACLAN
BAGO na ang liderato ng senado matapos mahalal si Senador Francis “Chiz’ Escudero bilang bagong Senate President kapalit ni Senator Juan Miguel Zubiri.
Inaasahang baba ngayong araw si Zubiri matapos ang ‘pagpapatalsik’ sa kanya sa puwesto.
Walang tumutol isa man sa mga senador sa nominasyon ni Senador Alan-Peter Cayetano kay Escudero sa puwesto bilang Senate President.
Naging emosyonal ang ilang mga senador sa pagbaba sa puwesto ni Zubiri.
Sinabi ni Zubiri na mabigat sa kanya ang mga pangyayari ngunit hindi maaaring maapektohan ang trabaho ng senado.
Inamin ni Zubiri, isa sa dahilan ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto ay maaaring ang hindi niya pagsunod sa ‘instruction’.
Ngunit nanindigan siyang taas ang kanyang noo dahil kanyang ipinaglaban ang senado at naglingkod nang tama sa taong bayan.
Nasaksihan ng kabiyak ni Zubiri na si Audrey Zubiri ang ginawang pagpapatalsik sa kanyang asawa habang siya ay nasa VIP section ng session hall ng senado.
Sumaksi sa panunumpa ni Escudero bilang bagong pinuno ng senado ang kanyang kabiyak na si international fashion icon Heart Evangelista.
“Maraming salamat po muli sa tiwala at nakahanda po akong pagsilbihan kayo sa anomang makakaya natin habang sabay-sabay nating pinagsisilbihan ang bansa at ang sambayanang Filipino,” ani Escudero.
Nahalal sina Senador Jinggoy Estrada bilang bagong Senate President Pro-Tempore, Senador Francis Tolentino bilang bagong Senate Majority Floor Leader, at Senador Alan Peter Cayetano bilang Chairman ng committee on accounts matapos mabakante ang naturang mga puwesto.
Nagbitiw sa kani-kanilang puwesto at hinahawakang mga komiteng pinamumunuan sina Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara, Senadora Nancy Binay, Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, at dating Majority Leader Joel Villanueva.
Magugunitang ang usapin ng ‘kudeta’ o pagpapatlasik kay Zubiri ay hindi lamang kahapon nangyari kundi matagal nang pinag-uusapan.