IPINAHAYAG ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., tagapangulo ng Lakas-CMD, ang kompiyansa sa katatatagan ng pinagsanib na puwersang politikal ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at ng Lakas-CMD.
Pinagtibay nitong Miyerkoles, 8 Mayo, ang alyansa sa pagitan ng partido politikal nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Lakas.
Ang Lakas-CMD, dominanteng partidong politikal sa bansa, ay nagpahayag ng pakikiisa sa PFP sa isang pulong na ginanap sa Makati City.
Tinawag na “Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas”, ang pagsasanib puwersa ng dalawang partido.
“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Bongbong Marcos for making this possible. Ang alyansang ito ay isang patunay ng kanyang pagsisikap sa pagbigkis sa sambayanang Filipino sa iba’t ibang paniniwala upang magkaisa tungo sa pagkakamit ng progreso at pag-unlad,” dagdag ng beteranong mambabatas.
Inihayag ni Revilla, sa alyansa ng Lakas at PFP ay matitiyak ang tagumpay na mahalal sa midterm elections sa susunod na taon ang mga sumusuporta sa administrasyon at mga programa nito .
“Ito ay isang mahusay na hakbang patungo sa 2025 midterm elections. Ang layunin ay manalo ang mga aspirants from the national level down to the local level na susuporta at tutulong sa pagpapatuloy ng mga magagandang plano at programa ng ating presidente,” ayon sa mambabatas. (NIÑO ACLAN)