INAMIN ni Atty. Dezery Perlez, isa sa abogado ng Bell-Kenz Pharma, lubhang apektado ang mga doktor ukol sa hindi napatunayang usapin ng multi-level marketing (MLM), sa kanyang pagdalo sa media forum sa Kapihan sa Manila Bay, sa Café Adriatico, Malate, Maynila.
Ayon kay Perlez, walang batas na nagbabawal na magkaroon ng pagmamay-ari ang isang doktor gaya ng ospital, botika, diagnostic center, at laboratory clinic.
Dahil dito aniya walang maituturing na conflict of interest ukol sa mga negosyo ng mga doktor sa kanilang propesyon.
Ibinunyag ni Perlez, ang ibang doktor ay nalalagay na rin sa peligro ang buhay dahil ang kanilang seguridad ay nasasakripisyo sa pagpaskil ng kanilang mga sasakyan at mga mukha sa social media.
Dahil dito pinag-aaralan na rin ng mga doktor ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga malisyosong post sa internet.
Bukod dito, sinabi ni Perlez, marami nang mga doktor ang nakatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay.
Kaugnay nito, tahasang sinabi ni Bell-Kenz Pharma President and Chief Executive Officer Luis Raymond Go na bilang isang doktor ay marami silang pro-bono cases kaysa kumita o maningil sa kanilang pasyente lalo sa kaso niya na nagsisilbing cardiologist sa Philippine Heart Center.
“Kaming mga doktor, hindi ang kumita ang aming pangunahing layunin kundi ang mapagsilbihan ang mga pasyente para matugunan ang kanilang pangangailangang medikal at gumaling sila sa kanilang sakit o karamdaman,” ani Go.
Iginiit ni Go, walang doktor na ayaw gumaling ang kanyang pasyente kaya ibibigay ang lahat at pinakamahusay para gumaling sila.
Magugunitang sa pagdinig ng senado, pinabulaanan ni Go na ang kanilang kompanya ay isa sa nagtataguyod ng MLM sa bansa. (NIÑO ACLAN)