HATAW News Team
INAMIN ng aktres na si Maricel Soriano kahapon
na pag-aari niya ang condominium unit sa Makati City na iniuugnay sa hinihinalang ‘illegal drug activities’ isang dekada na ang nakararaan.
Ang pangalan ni Soriano ay sinabing nasa ‘leaked Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) operational documents’ na nagsasangkot sa ilang kilalang personalidad na ilegal na gumagamit ng droga.
Sa kanyang pagharap sa Senate hearing sa unang pagkakataon, kinompirma ng aktres na pag-aari niya ang condo unit sa Rizal Tower Building sa Makati City.
Binanggit sa isa sa mga sinabing ‘leaked documents’ na isang grupo ng ‘showbiz and politically affluent personalities’ ang madalas na gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng Unit 4-C Rizal Tower Building, Rockwell Makati City.
Pero sa ginanap na hearing ng Senate committee on public order and dangerous drugs, ibang unit ang binanggit ng chairman na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa at tinanong kung pag-aari ni Soriano ang 46-C.
Kinompirma ng aktres na pag-aari niya ang unit 46-C ngunit naibenta na noong 2012.
“Sa’yo ‘yun?” tanong ni dela Rosa.
“Opo…hanggang 2012 po,” sagot ng aktres. “Nabenta ko na ho ‘yun. Wala na ako doon.”
Binanggit ni Dela Rosa na iyon ang parehong panahon o taon naganap ang ‘leaked pre-operation report and authority to operate’ na dapat sana’y ilalabas ng PDEA.
Tinanong ni Dela Rosa kung kailan ang eksaktong buwan na naibenta niya ang condo unit.
“Hindi po ako sigurado sa month, pero ‘yung year naalala ko,” sagot ni Soriano.
Sa nasabing hearing, nabanggit ni Dela Rosa ang reklamo laban sa aktres noong 2011 ng kanyang dalawang dating kasambahay.
Ayon umano sa mga ulat, gusto nang umalis ng dalawang kasambahay sa condo ng aktres dahil sa paggamit niya ng ‘cocaine.’
“Hindi po totoo ‘yan,” kaswal na pahayag ni Soriano.
Ngunit kinompirma niya na umalis ang dalawang kasambahay dahil ‘nagnakaw’ sa kanya.
“Totoo na binubugbog mo sila?” tanong ni Dela Rosa.
“Paano ko naman po bubugbugin, dalawa sila,” sagot ni Soriano.
Sa naunang Senate hearing, sinabi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo na ang ‘leaked PDEA documents’ ay peke.
Ngunit iginiit ni dating PDEA investigation agent Jonathan Morales na ang ‘leaked documents’ na nagsasangkot kina Marcos (BBM) at Soriano sa illegal drugs ay authentic. (May kasamang ulat ni NIÑO ACLAN)