HINIMOK ng vice chairman ng House committee on energy ang Energy Regulatory Commission (ERC) na ipagpaliban ang kahilingang dagdag na singil sa koryente ng mga kompanyang pumasok sa power supply agreements (PSA) sa pagitan ng Manila Electric Co., at dalawang generating firms habang walang pinal na resolusyon.
Ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, habang nakabinbin sa Korte Suprema ang kaso, ang ERC ay dapat munang magkaroon ng ‘hold in abeyance’ sa pagbibigay ng aksiyon sa PSA ng Meralco na naunang naipagkaloob sa dalawang SMC subsidiaries — South Premiere Power Corp. (SPPC) at San Miguel Energy Corp. (SMEC).
“While the appeal of the Office of the Solicitor General remains pending with the Supreme Court, I strongly urge the ERC to suspend and withhold approval of new PSAs between Meralco and the two SMC’s generating companies until the High Court reaches a final decision on the case against their bids to increase electricity rates.
“It is better for the ERC to wait for the SC to render judgment on the controversial case involving the PSAs between Meralco and SMC in order not to preempt or render moot and academic its ruling on the matter,” ani Fernandez.
Nauna rito, hiniling ni Fernandez sa Office of the Solicitor General (OSG) na kumatawan sa pamahalaan para dalhin sa Korte Suprema ang apela at mabaliktad ang naging desisyon ng Court of Appeals na pagbabalewala sa naunang desisyon ng ERC sa pagbasura sa petisyon ng dagdag na singil sa presyo ng korynte na inihain ng Meralco at dalawang SMC generating companies.
Iginiit ni Fernandez, kailangang iakyat ito ng OSG sa Korte Suprema dahil lubhang maaapektohan at madaragdagan na naman ang problema ng mga consumer lalo na’t ang Filipinas ay naitalang numero unong may pinakamataas na singil sa presyo ng koryente sa buong mundo.
Ang SPPC ang nagpapatakbo ng Ilijan gas-fired power plant, samantalang SMEC ang nagpapatakbo ng coal-fired power plant sa Sual.
Ang naturang dalawang kompanya kasama ang Meralco ay humiling sa ERC na aprobahan ang dagdag na singil sa koryente sa halagang 30 sentimo sa ilalim ng bagong PSA.
Sa sulat na ipinadala ni Fernandez sa OSG nitong 3 Mayo 2024, ipinunto na ang dalawang power plant na pag-aari ng San Miguel Corp., ay humihiling ng supply emergency power sa Meralco sa mas mataas na presyo.
Ang PSA na pinasok ng dalawang planta sa Meralco ay terminated na kasunod ng desisyon ng ERC na pagbasura sa petisyon ng Meralco at SMC plants na dagdag presyo sa singil sa koryente.
Sa naturang liham ni Fernandez kay OSG General Menardo Guevara, iginiit niya na ang pagpapawalang bisa sa PSA ay nagbibigay daan upang ang Ilijan ay mag-bid para sa Meralco para sa isang long-term power requirements.
“This is of major concern to my constituents and all other Filipinos, as it seems that San Miguel has simply substituted a contract that paid it cheaply for electricity for exactly the same contract but this time with a much higher price,” bahagi ng liham ni Fernandez sa OSG.
Tinukoy ni Fernandez na napaulat na nitong nakaraang buwan ng Enero, natalo ang ERC sa CA dahilan para iakyat ang usapin sa Korte Suprema.
“However, it is now May 2024—more than four months from the CA decision—and I have not heard whether the ERC or the Office of the Solicitor General (OSG) has filed the needed appeal or petition. The opinion that the ERC cannot just approve another PSA between SMC and Meralco without filing an appeal of the CA’s December 28, 2023 ruling with the Supreme Court for final judgment,” ani Fernandez.
Sa desisyong ipinalabas ng CA 13th Division, kanilang binaliktad ang naunang desisyon ng ERC na pagbasura sa petisyon ng Meralco at SMC na dagdag singil sa koryente sa kadahilanang nagkaroon ng “grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction” ang ERC.
Ang naturang kompanya ay humingi ng saklolo sa CA matapos ibasura ng ERC ang kanilang petisyon na dagdag na singil sa koryente.
Noong 28 Disyembre ng nakaraang taon, nagdesisyon ang CA 13th Division ng “affirmed with finality” ang pagbaliktad sa naunang desisyon ng ERC ukol sa petisyong dagdag na singil sa koryente ng Meralco at dalawang SMC subsidiaries.
“We obviously cannot accept a situation where the CA decision becomes final simply because the ERC and OSG did not file its appeal or petition on time,” dagdag ni Fernandez na kumakatawan din sa isa mga fastest growing urban areas sa buong bansa.
Hiniling niya sa OSG na magbigay ng ulat sa kanya sa loob ng limang araw kung anong aksiyon ang kanilang ginawa ukol sa desisyon ng CA. (NIÑO ACLAN)