HINILING ng vice chairman ng House committee on energy sa Office of the Solicitor General (OSG) na iapela ang desisyon ng Court of Appeals (CA), na binabaliktad ang naunang desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi pagpapahintulot sa mga major power generating firm na magpatupad ng mataas na presyo sa singil sa koryente.
Batay sa liham na ipinadala ni Rep. Dan Fernandez ng Lone District ng Sta Rosa City sa OSG nitong 2 Mayo 2024, hinihiling niyang dalhin sa Korte Suprema ang usapin na may kinalaman sa dagdag na singil sa koryente dahil ito ay magiging dagdag na pasanin ng mga consumer lalo na’t ang Filipinas ang numero uno sa buong mundo na may pinakamahal na singil sa koryente.
Ipinunto ni Fernandez sa ERC, pag-aaralang mabuti ang pagpapaliban sa pag-aproba sa bagong power supply agreements (PSAs) sa pagitan ng Meralco at ng power generation companies na sangkot sa kasong inihain sa CA.
“While demand for power supply is acute at this time, we also have the responsibility to protect consumers against price gouging. There are ways to meet the demand that will not unduly and unreasonably raise power rates,” ani Fernandez.
Tinukoy ni Fernandez, vice chairman ng House committee on energy sa kanyang sulat sa OSG, ang naturang dalawang power plants ay pag-aari ng San Miguel Corp. — Ilijan (gas) at Sual (coal) — “na nagnanais mag-supply ng emergency power sa Meralco.”
Ang PSA na pinasukan ng dalawang planta para sa Meralco ay kinansela ng ERC noong nakaraang taon at hindi pinayagan ang kahilingan ng Meralco at SMC plant na taasan ang singil sa koryente.
“Indeed, the termination of the PSAs has apparently allowed llijan to bid again for Meralco’s long-term power requirements,” nilalaman ng liham ni Fernandez kay Solicitor General Menardo L. Guevarra.
“This is of major concern to my constituents and all other Filipinos, as it seems that San Miguel has simply substituted a contract that paid it cheaply for electricity for exactly the same contract but this time with a much higher price,” bahagi ng nilalaman ng liham ni Fernandez.
Napaulat noong Enero ng taong ito, natalo ang ERC sa kaso sa CA ngunit maaari pang idulog sa Korte Suprema.
“However, it is now May 2024 — more than four months from the CA decision — and I have not heard whether the ERC or the Office of the Solicitor General (OSG) has filed the needed appeal or petition,” dagdag ni Fernandez.
Naniniwala si Fernandez, hindi maaaring aprobahan ng ERC ang isang panibagong PSA sa pagitan ng SMC at Meralco nang walang ginagawang apela sa naging desisyon ng CA noong 28 Disyembre 2023 at nang walang final judgment mula sa Korte Suprema.
“I strongly urge the ERC to withhold approval of the new PSA between Meralco and SMC until after the Supreme Court resolves with finality on the controversial power supply deals earlier decided by the appellate court’s 13th Division,” giit ni Fernandez.
Isa sa tungkulin ng OSG ang maging kinatawan ng pamahalaan sa mga kaso sa korte bukod pa sa ibang tungkulin nito.
Sa ruling ng CA noong 27 Hunyo 2023, ibinasura nito ang naunang desisyon ng ERC hinggil sa petisyong inihain ng Meralco at SMC na humihiling ng dagdag singil sa koryente dahil sila umano’y nalulugi.
Sa desisyon, tinukoy ng CA 13th Division na ang ERC ay nagkaroon ng ‘grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction’ nang kanilang ibasura ang petisyon ng Meralco at SMC subsidiaries South Premiere Power Corp. (SPPC) at San Miguel Energy Corp. (SMEC) na mataas ng 30 centavos kada kilowatt hour (Kwh) ang singil sa koryente sa kanilang consumers.
Ang SPPC at SMEC ay pumasok sa 10-year agreement sa Meralco noong 2019 para sa pagsu- supply ng 1,000 megawatts (MW) ng kapasidad mula sa Ilijan gas-fired plant at Sual coal-fired plant.
Ang headline rate ng Meralco’s PSA sa SMEC ay P4.6314 kada kWh samantala ang kanilang kasunduan sa SPPC ay P4.2455 per kWh at noong 2019 ang spot market prices ay tinatayang P8.47 kada kWh.
Noong October 2022 ang SPPC at SMEC ay nagpalabas ng termination notices sa Meralco upang suspendehin ang PSA sa kadahilanang unexpected at unprecedented ang “change sa circumstance,” tulad ng surge sa fuel costs.
Ang mga kompanya ay umapela sa CA matapos ibasura ng ERC ang kanilang petisyon.
Noong 28 Disyembre ng nakaraang taon, ang CA 13th Division ay nanindigan na baliktarin ‘with finality’ ang naunang desisyon ng ERC na pagbasura sa petisyong dagdag na singil sa koryente.
“We obviously cannot accept a situation where the CA decision becomes final simply because the ERC and OSG did not file its appeal or petition on time,” giit ni Fernandez.
Kaugnay nito, hiniling ni Fernandez sa OSG sa loob ng limang araw na bigyan siya ng impormasyon Kung anong hakbanging o aksiyon ang ginawa nila sa desisyon ng CA. (NIÑO ACLAN)