MULING inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang ikalawang consecutive graffiti mural festival Meeting of Styles 2024 sa C6 Lakeshore, Lower Bicutan sa lungsod ng Taguig.
Pinangunahan ni Mayor Lani Cayetano ang aktibidad kung saan sinimulan ng mga artist mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang pagpipinta ng iba’t ibang anyo na naglalarawan ng mga magkakaibang kultura, kalikasan, at iba pa.
Ayon kay Cayetano, ang nasabing programa ay bahagi ng selebrasyon ng ika-437 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod ng Taguig na magsasama-sama ang mga lokal at foreign artists mula Japan, USA, United Kingdom, Australia, Korea at iba pang bansa sa Asia para ipakita ang kanilang mga talento sa paglikha.
Binigyang-linaw ni Cayetano, bukas sa publiko ang TLC Village mula 3-5 Mayo at 10-12 Mayo, upang masilayan at ma-enjoy ng mga bisita at mga residente ng lungsod ang mga bagong larawan na likha ng mga alagad ng sining mula sa mga container van na nakahelira sa loob ng park.
Naniniwala si Cayetano, ang mga talentong ito ay dapat suportado ng Taguig na isang probinsiyudad o may kapaligiran ng isang maunlad na siyudad ngunit nanatili ang isang malaprobinsiyang kapaligiran. (NIÑO ACLAN)