HINILING ni Senadora Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) appointed son pastor Apollo Quiboloy.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos mabigo si Quiboloy na dumalo sa mga pagdinig sa Senado.
“Imbes magpakita sa Senado o sa mga korte, panay record ng audio message na tila nang-iinsulto pa sa kakayahan ng gobyerno na matunton siya. This is appalling. This should not be allowed to pass, but only challenge government more to exhaust all means to restrict his movements,” ani Hontiveros.
Nauna nang sinabi ni DFA spokesperson Teresita Daza na kapag na-cancel ang pasaporte, ito ay “red flag for any application in all DFA consular offices within and outside the Philippines.”
Bukod dito, ipinaliwanag ni Daza na ang isang kanseladong pasaporte ay inire-report sa Bureau of Immigration (BI) at opisina ng Interpol sa Filipinas.
Samantala, naniniwala si Hontiveros na handang tumulong ang ibang bansa para mahuli at panagutin si Quiboloy.
“The world is closing in on him. He is accused of crimes that transcend continents and nationalities. Tiwala ako na maraming bansa ang handang makipagtulungan sa Filipinas para papanagutin siya,” aniya.
“Kung ang puganteng Kongresista ay nahuli, sana naman maaresto din ang puganteng religious leader. Maliit ang mundo. Hindi niya matatakasan ang batas habambuhay,” dagdag ni Hontiveros.
Magugunitang nauna nang kinanasela ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mga lisensiyadong baril na nakapangalan kay Quiboloy na siyang panawagan ng senadora at agad namang tinuguan ng PNP. (NIÑO ACLAN)