MAGHAHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon upang imbestigahan ng Senado ang mga ulat na nagbabayad ng hanggang P2 milyon ang ilang mga dayuhang mag-aaral sa Cagayan para sa mga college degrees o dahil sa sistemang diploma mill.
Matatandaang hinimok ni Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHED) upang imbestigahan ang mga naturang ulat.
Unang ibinahagi ni Dr. Chester Cabalza, isang propesor mula sa University of the Philippines at founding president ng think tank, isang International Development and Security Cooperation, ang mga naturang ulat mula sa mga lokal na mamamayan, kabilang ang mga propesor sa lugar.
Hinimok na rin ng CHED si Cabalza na maghain ng reklamo bago magsimula ang Komisyon ng pormal na imbestigasyon. Tiniyak ng Komisyon na magkakaroon ng due process para sa lahat.
Inaasahan ni Gatchalian na makikilahok si Cabalza sa gagawing pagdinig ng Senado upang magbahagi ng natanggap niyang impormasyon, kabilang ang mga ulat na hindi pumapasok ang mga mag-aaral. Nababahala rin si Cabalza na nagiging milking cow ang mga degree na ayon sa CHED ay isang seryosong alegasyon.
“Bagama’t sinusuportahan natin ang internationalization sa ating mga kolehiyo at pamantasan, pati na rin ang pagpasok ng mga mag-aaral mula sa ibang bansa, mahalagang protektahan natin ang integridad ng ating sistema ng edukasyon. Kailangang mabigyan natin ng linaw ang mga alegasyong may mga mag-aaral mula sa ibang bansa na nagbabayad para sa kanilang degree nang hindi pumapasok sa paaralan,” ani Gatchalian.
“Kung lumabas sa mga imbestigasyon na may mga kolehiyo, pamantasan, at mga opisyal nilang sangkot sa mga pakanang ito, kailangan natin silang panagutin. Hindi natin dapat ibinebenta ang mga diploma mula sa ating mga kolehiyo at pamantasan,” dagdag na pahayag ng senador.
Tiniyak din ng CHED na sumusunod ang mga kolehiyo at pamantasan sa mga batas at regulasyon ng Filipinas.
Samantala nanawagan si Senador Francis “Chiz” Escudero sa Bureau of Immigration (BI) na magsagawa ng malawakang imbestigasyon upang matiyak kung ano ang tunay na dahilan ng pananatili ng maraming intsik sa Cagayan.
Ito ay upang magkaroon ng sapat na ebedensiya sa alegasyong baka nagpapanggap na mga mag-aaral gayong pawang mga espiya pala.
“Sa ngayon ay wala pa tayong dapat ipangamba maliban kung may sapat na katibayan o ebidensiya. Pero kung ang mga basehan lamang ay dahil may base ang China sa West Philippine Sea (WPS), na may isyu tayo ngayon sa kanila kaya malamang espiya ang mga estudyanteng Chinese nationals sa Cagayan kaya dapat ipagbawalang ang mga iyan, hindi naman siguro dapat ganoon,” ani Escudero sa panayam sa kanya ng media. (NIÑO ACLAN)