PATAY ang isang 27-anyos babae matapos tagain ng kanyang ama dahil sa hindi pagkakaintindihan sa lungsod ng Sagay, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Miyerkoles, 24 Abril.
Ayon kay P/Lt. Hannah Banquil, deputy chief ng Sagay CPS, kinumpronta ng biktima ang kanyang ama matapos mapagalitan ng suspek ang kanyang dalawang anak.
Ani Banquil, pinagalitan ng 51-anyos suspek ang kanyang dalawang batang apo dahil sa kanilang paglalaro sa gripo na naging mitsa ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng mag-ama.
Dahil lasing ang kanyang ama, minabuting umuwi ng biktima sa kanilang bahay ngunit sinundan siya ng suspek saka ilang beses tinaga hanggang malagutan ng hininga.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang itak at ang takrayan nito.
Samantala, boluntaryong sumuko ang suspek sa pulisya at sinabing hindi niya intensiyong patayin ang sariling anak at napikon lamang siya kaya naging marahas.
Nabatid na mayroon nang mga naunang
‘di pagkakaintindihan ang biktima at ang suspek na pinatindi ng huling insidente.
Sinampahan ng kasong parricide ang suspek nitong Huwebes, 25 Abril.