TILA NAKATIKIM ng ‘sabong walang banlawan’ si Department of Social Worker and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian mula kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go dahil sa ‘selective aid distribution.’
Partikular na pinuna kay Gatchalian ang kabiguang mai-release nang mabilisan ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa General Santos City na noong Hulyo 2023 pa naisumite ang mga pangalan ng mga benepisaryo ngunit naantala nang ilang buwan ang pagbibigay ng ayuda.
Ibinunyag ni Go, nakuha ng mga benepisaryo ang ayuda nang tumungo roon si Gatchalian at kanya pa itong dinoble.
Bagay na naitanomg ni Go kay Gatchalian, may kinalaman ba ito sa politika at tatakbo ba siyang senador sa 2025 elections.
“Mayroong due doon for payout na dapat nang ibigay sa kanila… naka-hold ‘yon for how many months and then noong pumunta ka, dinoble mo. Dinagdagan mo, dinoble mo. Puwede pala ‘yung ganon kasi ikaw ‘yung pumunta. General Santos City, sir. Nagiging selective kayo, secretary. One more question, hindi ba ‘to nagagamit sa politika ninyo? One question for the record, are you running for the Senate?” sunod-sunod na tanong ni Go kay Gatchalian.
Ngunit agad tumanggi si Gatchalian na mayroon siyang planong tumakbong senador at walang kinalaman ang politika sa kanyang pagsisilbi sa ahensiya.
“Categorically, I’m not using the office for my politics and I categorically state I’m not running for any position this coming election,” ani Gatchalian.
Paliwanag ni Gatchalian, ang ayudang ipinagkaloob noong nakaraang taon sa General Santos ay ang tinatawag na emergency cash transfer dahil sa tumamang lindol sa naturang probinsiya.
“That’s why the amount is bigger. Hindi po ako nag-release ng AICS. In fact, the mayors came to me, we met them with the governor. Emergency cash transfer po ‘yung ini-release,” paliwanag ni Gatchalian.
Aminado si Gatchalian, mayroong ‘delays’ sa pamamahagi ng AICS payouts ngunit ito ay dahil sa ‘kinks’ sa kanilang Financial Management Office.
“A while ago, may inamin ako na may problema sa Financial Management Office, that’s why we were having cash shortfalls in some of our regions. And we have addressed that. Aminado po kami there were delays to the commitment to the senator but we have all intentions of paying those lists that have been vetted and checked already,” dagdag ni Gatchalian.
Ngunit sa kabila ng paliwanag ni Gatchalian, sinabi ni Go na pinaghintay ng ilang buwan ang mga dapat tumanggap ng ayudang AICS samantala ito ay pera ng bayan.
“Bakit ninyo pinatatagal? Because of politics!” usig ni Go.
“Senator, we have no intentions of withholding. In fact, last year if you look at our disbursement rate and our obligation rate, nagamit po lahat ‘yan,” tugon ni Gatchalian. (NIÑO ACLAN)