HINILING ng isang dating kongresista sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang kontratang nilagdaan sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) at Miru Systems na magsisilbing automated election provider sa nakatakdang senatorial at local elections sa taong 2025.
Dahil dito naghain ng petisyon sa Korte Suprema si dating Caloocan City representative Edgar Erice na naglalayong pigilan ang implementasyon ng P18-bilyong kontrata ng Comelec sa nasabong kompanya mula sa Korea.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Erice, kailangang maglabas ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction ang Supreme Court upang mapawalang-bisa ang naturang kontrata.
Ayon kay Erice, dating chairman ng Congressional Committee on Suffrage, nakagawa ng grave abuse of discretion ang Comelec nang agad ibigay sa Miru System ang kontrata lalo’t walang kongresista na inabisohan ang Comelec upang sumaksi sa inspeksiyon ng mga pasilidad ng MIRU.
Naniniwala si Erice, ang pagpasok sa kasunduan ng Comelec sa MIRU ay maliwanag na paglabag sa automation law at sa procurement process.
Ipinagtataka ni Erice, paanong natapos sa loob ng isang buwan ang pagdedeklara ng Comelec na maaari at maayos pang gamitin ang mga makina at may warranty pero biglang idineklarang diskalipikado ang Smartmatic.
Naniniwala si Erice, gagamiting ‘testingan’ ng machine ang gaganaping eleksiyon sa ating bansa na tinagurian niyang “robbery in progress.”
Nanindigan si Erice, ang ginawa niyang paghahain ng petisyon ay personal niyang laban para sa kanyang kotribusyon sa bayan bilang bahagi ng kanyang “passion.”
Binigyang-linaw ni Erice, walang kinalaman ang kanyang petisyon sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa Smartmatic laban sa Comelec na maaring pumabor sa kanilang petisyon.
Nagbanta si Erice na pinag-aaralan na rin niya ang pagsasampa ng impeachment complaint sa lahat ng opisyal ng Comelec sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia at lahat nang lumagda sa kontratang ipinagkaloob sa MIRU systems ngunit tatapusin muna niya ang isinampang petisyon sa Korte Suprema. (NIÑO ACLAN)