Natapos na ang misteryo tungkol sa malalaking
“Kami Naman” murals na nagsulputan sa iba’t ibang lugar sa bansa nang ito ay ilantad sa katatapos na “Kalikasan, Kabataan, Kagitingan” youth music festival sa Montalban Sports Complex, sa lalawigan ng Rizal. Hatid ng Students’ Actions Vital to the Environment and Mother Earth (SAVE ME) Movement, tampok sa youth music festival ang mga batikang musikero at mang-aawit gaya nina CJ Villavicencio na nagsilbing host, I Belong to the Zoo, Dilaw, Janina Teñoso, Illest Morena, Johannes Rissler, Kyle Echarri, at may special performance ni Gian Madrigal at Lara Maigue.
Ang “Kami Naman” murals ay simbolo ng nararamdaman ng maraming Filipino sa mga nangyayaring bangayan sa gobyerno na hadlang sa pag-unlad ng bayan. Ang mga mural ay nagpapahiwatig ng pagnanasa ng taongbayan na magkaisa ang mga namumuno, itigil ang pamomolitika, at itigil na ang gulo. Dapat pagtuunan ng pansin ang pagseserbisyo sa bayan at pagtugon sa mga daing ng mamamayan.
Patok ang mensahe ng Kami Naman sa mga kabataan na dumalo na ikinagalak ng SAVE ME Movement dahil isinusulong nila ang youth empowerment.
Sa kanilang pahayag, “Nawa’y ang mga Kami Naman murals ay magsilbing hudyat sa patuloy na paghahangad ng pagkakaisa at pagpapaalala sa mga namumuno na bigyang halaga ang kapakanan ng bayan kaysa sarili nila.”