“SALAMAT sa mga nag-aalala kung ano ang nangyari sa akin, pero nasa mabuti na akong sitwasyon matapos ang aksidente.”
Ito ang pahayag ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr., makaraang isugod sa ospital nang maaksidente habang nagso-shooting.
Nakatakdang isailalim sa operasyon si Revilla dahil sa Achilles tendon rupture na kaniyang nakuha dahil sa mabilis na pagtakbo sa isang eksena sa ginagawa niyang ‘Alyas Pogi 4’ at inaasahang magbabalik sa kaniyang mga naantalang trabaho sa loob lamang ng ilang araw.
Samantala, tiniyak ni Revilla, sa kabila ng aksidente ay magagampanan pa rin niya ang pagbibigay ng sebisyo sa kaniyang mga kababayan dahil hindi naman umano masyadong grabe ang naganap na aksidente para tumigil siya sa paglilingkod.
“Mananatili akong malakas para sa mga kababayan natin at hindi ito magiging hadlang para talikuran ang sinumpaan nating tungkulin,” pahayg ni Revilla sa kabila ng mga pag-aalala ng kaniyang mga mahal sa buhay.
Tiniyak ni Revilla, sisikapin niyang makadalo sa muling pagbubukas ng session sa 29 Abril at itutuloy ang mga nakabinbing trabaho.
Aniya, hindi niya sisirain ang record na hindi siya pumapalya sa pagdalo.
Sa ngayon, si Revilla ay aktibong isinusulong ang information drive sa ilan sa pinakahuling naipasang batas na siya mismo ang sponsor—tulad ng RA 11984 o ang Revilla Law na naglalayong ipagbawal na ang “No Permit, No Exam policy” at ang Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarian Act na magkakaloob ng P10,000 cash incentives para sa mga seniors na may edad 80, 85, 90, at 95 anyos; at P100,000 kapag umabot na ng 100 taon.
“I will continue to fulfill my duties as a public servant, ensuring that the needs of our people through legislations that I advocate are met, and that our country moves forward,” pagwawakas ni Revilla.( NIÑO ACLAN)