ni NIÑO ACLAN
WALA pang katiyakan dahil ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva kanila pang pag-uusapan sa isang caucus sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ang kahilingan ni Senadora Risa Hontiveros na imbestigahan ang sinabing gentlemen’s agreement sa pagitan ng China at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Villanuea, kailangang matukoy kung dapat isapubliko ang pagdinig o hindi lalo na’t may usapin ito ng national security.
Bukod dito, hindi pa tiyak kung iimbitahan ang dating Pangulo para magbigay-linaw sa isyu at kung ito ay hindi dadalo ano ang magiging aksiyon ng senado.
Iginiit ini Villanueva, marami pang dapat ikonsidera ang senado sa kahilingang imbestigasyon.
Ngunit agad niyang inilinaw na mayroong punto ang senadora, karapatan at tungkulin ang paghingi ng imbestigasyon lalo na’t may basehan.
Ngunit sa kabila nito ay umaasa si Villanueva na magkaroon ng pagkakaisa ang bawat mambabatas at lahat ng mga mamamayan na manindigan sa iisang paniniwala na tayo ang maliwanag na may-ari ng WPS.
Panawagan ni Villanueva sa lahat, lalo sa iba na ang paniniwala ay tila kumakampi sa China, huwag sanang magkawatak-watak ang mga Filipino ukol sa isyung ito.
Umaasa si Villanueva, magiging malaki ang tulong at ambag ni Senador Alan “Peter” Cayetano sa isyu lalo na’t dati siyang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ilalim ng administrasyong Duterte.