TAHASANG sinabi ni Senadora Grace Poe na dapat maranasan ng mga opisyal ng pamahalaan ang karanasan sa araw-araw na pagbiyahe ng mga mamamayan.
Ang reaksiyon ni Poe ay kasunod ng anunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na hindi na pinahihintulutan ang paggamit ng wangwang, sirena, at mga blinker sa kalsda ng mga bumibiyaheng opisyal ng pamahalaan.
Dahil dito, hindi naitago ni Poe na purihin ang Pangulo sa kaniyang naging desisyon at hakbangin.
Iginiit ni Poe, marapat na maging magandang halimbawa ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga mamamayan.
Dagdag ni Poe, walang puwang ang sinomang opisyal ng pamahalaan na mang-abuso sa kanilang posisyon at magpakita ng self-entitlement sa kalye.
“Pantay-pantay tayo dapat kahit sa kalsada. Ang biyahe ng government officials ay kasing importante rin ng biyahe ng ordinaryong mamamayan,” ani Poe.
Tanong ni Poe, kung may wangwang, paano mararamdaman ng taga-gobyerno ang sakripisyo ng ating mga kababayan sa araw-araw na trapiko?
Kaya, aniya, marapat ang iisanag patakaran na ipagbawal ang wangwang at ipatupad ito nang tama at pantay-pantay sa lahat ng gumagamit ng kalsada. (NIÑO ACLAN)