HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga taxpayer na maghain ng kanilang income tax returns (ITRs) habang papalapit ang 15 Abril, deadline para sa paghahain nito.
Tiniyak ni Gatchalian, pangunahing may-akda ng Ease of Paying Taxes Act (EOPT), sa mga taxpayer na ang pagtupad sa kanilang obligasyon ay magiging mas madali sa mga darating na panahon.
Nitong 1 Abril, naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Bank Bulletin No. 2024-02 na nag-uutos sa lahat ng BIR authorized agent banks na tanggapin ang lahat ng naka-print na kopya ng electronically filed tax returns o payment forms sa pamamagitan ng eBIRForms at ang kaukulang buwis na dapat bayaran.
“Ngayong naisabatas na ang panukalang EOPT, kompiyansa ako na magiging mas madali ang proseso ng paghahain ng income tax returns para sa ating taxpayers,” sabi ni Gatchalian, na nagsisilbing chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng batas, pinahihintulutan ang paghahain ng returns at pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng electronic na pamamaraan o mano-mano sa alinmang awtorisadong banko ng ahente, o revenue district office sa pamamagitan ng isang revenue collection officer o awtorisadong tax software provider.
Kasunod ng layuning gawing moderno ang pangangasiwa ng buwis, ang panukalang EOPT ay inaasahang magpapahusay sa pagkolekta ng buwis at maghihikayat sa publiko na sumunod sa mandatong magbayad ng buwis.
Ito ay titiyak sa pagkakaroon ng pondo para sa mga kinakailangang impraestruktura at mga programang makatutulong para maibsan ang kahirapan, sabi ni Gatchalian.
Target ng BIR na makakolekta ng P3.05 trilyon ngayong 2024 kompara sa kabuuang koleksiyon na P2.53 trilyon noong 2023.
“Umaasa tayo na ang tax compliance at tax collection ay tiyak na maaayos kapag tuloy-tuloy nang maipatupad ang mga probisyon ng EOPT,” sabi ni Gatchalian.
“Importanteng maging mas madali para sa ating taxpayers ang pagbabayad ng buwis at kailangan din sumunod ang taxpayers sa pagtupad sa kanilang obligasyon sa gobyerno,” dagdag niya. (NIÑO ACLAN)