NAGPAHAYAG ng kahandaan si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na saklolohan ang jeepney operators at drivers ukol sa jeepney modernization plan ng pamahalaan.
Inihayag ito ni Singson, matapos niyang dumalo sa Agenda Forum sa Greenhills, San Juan City.
Ayon kay Singson, ang kanyang kompanya ay handang magpautang nang walang anomang tubo mula sa mga driver at operator upang makasunod sila sa jeepney modernization plan ng pamahalaan.
Bilang patunay, sinabi ni Singson, simula sa buwan ng Mayo 2024 ay kanyang iaalok ang Pinoy Driver.
Ang naturang jeepney ay pasok sa standard ng pamahalaan sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Ayon kay Singson, ginaya ang proto-type jeep sa lumang pampasaherong jeep sa Filipinas kung kaya’t ang nakagawian pa rin ang magiging disenyo.
Ipinaliwanag ni Singson, 28 pasahero ang maaaring makasakay dito, 22 ang nakaupo at anim ang nakatayo.
Iginiit ni Singson, walang kailangang ibigay na down payment at zero interest upang matulungan ang mga tsuper at operators.
Nakikipag-ugnayan si Singson sa mga transport group tulad ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), ALTODAP, Pasang Masda, at iba pa.
Nasa 100,000 e-jeeps ang kayang i-produce kada taon na ibibigay sa Pinoy jeepney drivers.
Ang naturang jeep ay ginawa sa South Korea, pero sa mga susunod na buwan ay magkakaroon na ito ng sariling planta sa Filipinas. (NIÑO ACLAN)