KASUNOD ng pagkamatay ng 37 katao noong Semana Santa dahil sa pagkalunod, muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang magtalaga ng mga lifeguard sa mga pampublikong swimming pools at bathing facilities.
Sa ilalim ng Lifeguard Act of 2022 (Senate Bill No. 1142) na inihain ni Gatchalian, magiging mandato sa mga pool operator ang pagkakaroon ng isang certified lifeguard kada public swimming pool na ginagamit nang libre o kaya naman ay para sa negosyo.
Kabilang dito ang mga pool sa mga hotel, inn, motel, condominium buildings, clubhouses, at iba pang pampublikong lugar maliban sa mga tahanang para sa isang pamilya.
Sa ilalim ng panukalang batas, minandato ang pagkakaroon ng karagdagang lifeguard sa bawat sobrang 250 square meters kada pool. Dapat may angkop na sertipikasyon ang mga lifeguard mula sa mga pambansang organisasyong may accreditation at pagkilala mula sa Department of Health (DOH).
Habang papainit nang papainit ang panahon sa maraming bahagi ng bansa, patuloy na hinihimok ni Gatchalian ang pag-iingat lalo na’t pinakamataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa pagkalunod sa panahon ng tag-init.
Noong 2022, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 3,576 binawian ng buhay dahil sa pagkalunod. Pinakamataas ang bilang ng mga naitalang namatay dahil sa pagkalunod noong mga buwan ng Marso (317), Abril (391), at Mayo (345).
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pagkalunod ang isa sa limang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga batang may edad isa hanggang 14 anyos.
“Nakalulungkot at nakababahala sa panahong masaya tayo kasama ang ating mga pamilya sa bakasyon, siya namang dating ng trahedya dahil sa pagkalunod. Maaari natin maiwasan ang ganitong mga insidente kung magpapatupad tayo ng mga hakbang para sa kaligtasan ng ating mga kababayan, kabilang ang paglalagay ng mga kalipikadong lifeguard sa mga pampublikong swimming pool,” ani Gatchalian.
Nakasaad sa panukalang batas na dapat magbigay ang mga pool operator sa mga local government units (LGUs) ng mga certification at supporting documents upang patunayan ang pagtatalaga nila ng mga kinakailangang bilang ng lifeguard.
Mandato sa mga LGU na tiyaking sumusunod ang public swimming pools sa mga itinakdang pamantayan, at aprobahan ang mga permit matapos ang beripikasyon ng mga kinakailangang dokumento.
Bukod dito, mandato rin sa mga LGU ang mga regular na inspeksiyon na isasagawa ng Local Health Officers o iba pang mga kalipikadong kawani. (NIÑO ACLAN)