TILA lumalabas na ‘nag-marites’ si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa pahayag niyang mayroong gentlemen’s agreement sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at China President Xi Jinping ukol sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay matapos pabulaanan ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang pahayag ni Roque.
Ayon kay Panelo, wala si Roque noong nag-usap sina Duterte at Jinping kundi tanging siya at sina dating Department of the Interior and Local Government (DILG ) Secretary Eduardo Año at dating Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Iginiit ni Panelo, walang kahit anong ‘gentlemen’s agreement’ o kasunduan ang dalawa.
Inamin ni Panelo, dalawang beses niyang tinawagan ang dating Pangulo at tinanong ukol dito at tanging sagot lamang ng Pangulo ay wala siyang pinapasok o nilagdaang kahit anong kasunduan.
“I’m not enter a gentlemen’s agreement and whatsoever,” ang sagot umano ni Duterte kay Panelo nang kanyang tawagan.
Nagtataka si Panelo kung saan nanggaling ang naging pahayag ni Roque na aniya’y dapat niyang pangalanan ang kinunan niya ng impormasyon.
Pabirong sinabi ni dating Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson na nagangahulugan na ‘nag-marites’ si Roque, sabay tawanan ng mga taong dumalo sa Agenda Forum sa Greenhills, San Juan City.
Nagtataka si Panelo sa reaksiyon ng iba gayong hindi pa naman sila tiyak kung totoo nga o hindi ang naging pahayag ini Roque.
Ibinunyag ni Panelo, tanging ang usapin ng arbitral ruling ang isa sa napag-usapan nina Duterte at Jinping.
Ani Panelo, ang tanging pahayag ni Jinping ay: “Don’t force because if you force it there will be a trouble,” bagay na ikinagulat nilang lahat.
Umaasa si Panelo na makakayang resolbahin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang usapin sa WPS. (NIÑO ACLAN)