Pansamantalang sinuspinde nitong Sabado de Gloria, 30 Marso, ang operasyon ng isang mall sa lungsod ng San Carlo, lalawigan ng Negros Occidental, matapos matuklasang ito ay nilooban sa kasagsagan ng Semana Santa.
Ayon kay P/Lt. Col. Nazer Canja, hepe ng San Carlos CPO, nagdesisyong isara ng pamunuaan ng mall ang establisyemento upang bigyang-daan ang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Ani P/Lt. Col. Canja, lumabas sa kanilang imbestigasyon na dumaan sa aircon duct ang hindi kilalang suspek upang makapasok sa mall.
Nabatid na sarado ang mall noong Biyernes Santo at nakatakdang magbukas muli kamakalawa.
Agad humingi ng tulong ang mga empleyado nang mapansin nilang bukas nang kisame dakong 8:30 ng umaga.
Ayon sa pulisya, natangay ng suspek ang P43,000 cash at mga piaya na nagkakahalaga ng P2,000; 19 cellphone na nagkakahalaga ng P201,000; walong pabango na may halagang P3,600; dalawang backpack na nagkakahalaga ng P1,000; at apat na laptop na nagkakahalaga ng P200,000; samantalang may nagtagpuang walong laptop sa kisame ng mall.
Aabot sa kabuuang P450,711 ang halaga ng mga nanakawa na mga kagamitan at salapi.
Dagdag ni Canja, mayroong mga gwardiyang naka-duty sa gabu ngunit ayon sa kanila, wala silang napansing kakaibang naganap sa mall o kung may pumasok na ibang tao dito.
Nagbalik-operasyon ang mall nitong Linggo ng Muling Pagkabuhay, 31 Marso.