SA PAGDIRIWANG ng Buwan ng Kababaihan at ika-27 anibersaryo ng pagkakatatag bilang lungsod ang Las Piñas, nag-organisa ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Kasalang Bayan nitong Biyernes, 22 Marso.
Pinangasiwaan ni Vice Mayor April Aguilar ang naturang seremonya nang sabay-sabay na pag-iisang dibdib ng 102 magsing-irog, ginanap sa Verdant Covered Court, Barangay Pamplona Tres.
Ang Kasalan Bayan ay bahagi ng mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na magbigay ng mga serbisyong panlipunan na madaling makukuha ng mga residente.
Malugod na ipinahayag ni Vice Mayor Aguilar ang kahalagahan ng magagandang katangian para pagyamanin ang relasyon o pagsasama lalo ng mag-asawa hanggang sa pagbubuo ng kanilang pamilya.
Sa isinagawang Kasalang Bayan, ang pamahalaang lungsod ng Las Piñas ay hindi lamang nagbigay ng hindi malilimutang karanasan sa mga bagong kasal kundi nagpalakas din ng tungkulin nitong suportahan ang matatag na pundasyon ng bawat pamilya na makatutulong sa kaunlaran ng komunidad. (EJ DREW)