Idinaos ang lagdaan ng Memorandum ng Kasunduan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Language Study Center ng Philippine Normal University (LSC-PNU), Departamento ng Linggwistiks ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UP-Lingg), at Departamento ng Filipino ng De La Salle University (DLSU-Filipino) para sa isasagawang Ikalawang Pandaigdigang Kumperensiya sa Nanganganib na Wika o International Conference on Language Endangerment (ICLE). Ginanap ito noong 15 Marso 2024 sa opisina ng KWF sa Malacanang Complex, San Miguel, Maynila.
Dinaluhan ito ng mga opisyal at empleado ng KWF sa pangunguna ni Tagapangulong Arthur P. Casanova, at mga kinatawan ng PNU na sina Dr. Denmark L. Yonson, Vice President for Student Success and Stakeholder Services at Dr. Joel C. Malabanan, Puno, PNU-LSC; kinatawan ng DLSU na sina Dr. Rhoderick V. Nuncio, Dekano ng Kolehiyo ng Malayang Sining, Dr. Rowell Madula, Tagapangulo ng DLSU-Filipino, at mga propesor na sina Dr. Deborrah Sadile Anastacio at Dr. David Michael San Juan; at kinatawan ng UP-Lingg na sina Dr. Maria Kristina S. Gallego, Tagapangulo, UP-Lingg at Bb. Jurekah Chene Abrigo.
Ang ICLE ay tatlong araw na in person na kumperensiya na magsisilbing venue para sa mga eksperto, iskolar ng wika, mananaliksik-wika, mga miyembro ng katutubong pamayanang kultural upang maibahagi ang mga pag-aaral, karanasan, at magpalitan ng idea sa pagtugon sa mga isyung may kaugnayan sa panganganib ng wika.
Layunin nitong mabigyan ng kakayahan at kapangyarihan ang katutubong mamamayan o indigenous peoples (IPs) sa pamamagitan ng kanilang pakikisangkot sa pagbuo ng mga patakaran, programa, at pananaliksik para sa pangangalaga ng kanilang wika. Kinikilala ng ICLE 2024 ang angking kakayahan at kakanyahan ng mga IPs sa pangangalaga ng kanilang sariling wika at kultura. Sa International Decade of Indigenous Language (IDIL) 2022-2032 Global Action Plan (GAP), tinukoy ang mga IP bilang isa mga key target na pangkat na mahalagang maisangkot sa mga gawaing pangwika. Bilang IPs, sila ang mangunguna sa pagbabago, sila ang may karapatan at tungkulin na magsalin o magtransmit ng kanilang wika sa susunod na henerasyon. Ngunit hindi nila ito magagawang mag-isa kung walang tulong mula sa mga ahensiya ng pamahalaan, institusyon, organisasyon, eksperto, mananaliksik, at iba pang entidad.
Kayâ, sa ICLE 2024, itatampok ang mga pag-aaral na nakatuon sa mga nabuo/binubuong patakarang pangwika, pagdodokumento ng wika, pagpapasigla ng wika, IP education, community-based program, at iba pang paksang makatutugon sa pangangalaga ng katutubong wika.
Nakatakda itong idaos sa 9–11 Oktubre 2024 sa PNU Main Building Auditorium. Abangan ang mga pabatid para sa panawagan sa papel-pananaliksik at pagtanggap ng mga kalahok.