NADAKIP ang isang pulis matapos isumbong nang ilang ulit na panggagahasa sa kanyang 14-anyos anak na babae sa lalawigan ng Cebu.
Naaresto ang suspek na dating miyembro ng isang special unit ng Cebu PPO, sa manhunt operation na ikinasa ng Liloan Police Station nitong Martes ng gabi, 19 Marso, sa bayan ng Asturias, sa nabanggit na lalawigan.
Ayon kay P/Maj. Windel Abellana, information officer ng Cebu PPO, sinabi ng biktima na huli siyang ginahasa ng kanyang ama pasado 1:00 am noong Linggo.
Kasama ang kanyang ina, nagpunta ang menor-de-edad na biktima sa estasyon ng pulisya upang isumbong ang kanyang ama sa pang-aabusong naganap sa iba’t ibang okasyon.
Nang malamang nagtungo sa himpilan ang kanyang asawa at anak, tumakas ang suspek.
Samantala, tiniyak ng Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7) na papatawan ng karampatang aksiyon ang suspek.
Pahayag ni P/Lt. Col. Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ni PRO-7 Regional Director P/BGen. Anthony Aberin, walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon.
Ani Pelare, matapos maisampa ang kasong kriminal, susunod na isasampa ang reklamong administratibo laban sa suspek.
Dagdag ng pulis, isasailalim ang biktima sa stress debriefing na pangunganahan ng mga social worker. (HNT)