NAG-ORGANISA ang tanggapan ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ng Basic Citizen Military Training para sa mga opisyal at empleyado ng Senado para sa Marso hanggang Hunyo 2024.
Ani Padilla, isang reserve Lieutenant Colonel sa Philippine Army (PA), layunin ng Basic Citizen Military Training na magkaroon ng pormal, aktuwal, at pisikal na pagsasanay ng mga kawani ng Senado.
“Ang mga matagumpay na makatatapos sa pagsasanay ay magiging bahagi po ng Reserve Force ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at mabibigyan ng military rank base sa kanilang kalipikasyon,” pahayag ng mambabatas.
Iginiit ni Padilla, kailangan ng basic military training lalo ang mga kabataan para magkaroon ng disiplina hindi lang sa pagdepensa sa bayan, kundi para sa pagtugon sa sakuna.
Sa isang advisory sa lahat na empleyado ng Senado mula sa Deputy Secretary for External Affairs and Relations, magkakaroon ng forum sa Huwebes sa Senate multipurpose room sa ikalawang palapag.
Ang mga aplikante ay kailangan mag-fill-out sa online registration form, ayon kay Enrique Luis Papa, Deputy Secretary for external affairs and relations.
May itinayong registration desks sa ikaapat at ikalimang palapag sa Lunes at Martes para tumulong sa registration.
Sa checklist ng Basic Citizen Military Course, kailangan ng mga sumusunod: accomplished Reservist Information Data Sheet, personal history statement, accomplished diploma for high school or college, PSA birth certificate, barangay, police, RTC and NBI clearances, medical clearance, at drug test result. (NIÑO ACLAN)