ISINALANG na ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa plenaryo ng Senado ang panukalang dagdag na P100 para sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.
Nasa 4.2 milyong manggagawa ang tinatayang makikinabang sa isinusulong ng tagapangulo ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development sa ilalim ng Senate Bill No. 2534.
Mula sa orihinal na panukalang P150 na dagdag-arawang sahod, sinabi ni Estrada na inirekomenda ng kanyang komite ang halagang P100 dahil halos lahat ng regional wage boards ay naglabas na noong nakaraang taon ng kautusan na nagtatakda ng pagtaas ng arawang sweldo mula P30 hanggang P90.
“Bagama’t kinikilala natin ang wage hikes na ipinatupad kamakailan ng regional wage boards, tila nabura na ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, kaya natin iminumungkahi ito. Ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa mas disenteng lebel ay napapanahon at talagang kailangan para ipantay, kahit papaano, sa pagtaas ng presyo ng bilihin,” ani Estrada.
Patuloy man na nangunguna ang minimum wage sa Metro Manila para sa mga hindi sakop ng sektor na na pang-agrikultura sa bansa na may P610 kada araw na sahod, nababawasan ang halaga nito dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, sabi ng mambabatas.
Ang tunay na halaga ng minimum wage ay bumaba sa P514.50 noong Hulyo 2023, at lalo pang bumaba sa P504 noong Oktubre 2023 at ang ganitong sitwasyon ay umiiral sa lahat ng mga rehiyon, ayon kay Estrada.
“Matapos pag-aralan ang mga kasalukuyang sitwasyon at posisyon ng iba’t ibang sektor, iminumungkahi natin ang pagtaas ng arawang sahod upang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino sa harap ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at pagtaas ng gastusin sa pang-araw-araw. Hindi natin dapat balewalain ang kawalan ng katarungan at ang kalagayan sa ekonomiya ng ating mga manggagawa na bumubuhay sa ating ekonomiya,” diin ni Estrada, kilalang tagapagtanggol ng mga manggagawa.
Aniya, ang ipinatutupad na minimum wage ay hindi kasya para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya ng mga manggagawa, na tinatayang nasa P8,379 kada buwan.
“Bagamat ang inflation ay bumabagal—nasa 2.8% nitong January 2024 —hindi ibig sabihin nito ay bumababa na rin ang presyo ng mga bilihin. Sa katunayan, ang rice inflation ay pumalo sa 22.6%, ang pinakamataas na antas mula March 2009, at patuloy pa ang pagtaas ng ibang mga bilihin sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente at gasolina,” dagdag pa ng senador.
“Pinakinggan po natin ang hinaing ng ating mga manggagawa na matagal nang humihiling ng umento; at ito na ang tugon ng inyong Senado sa mga panawagang iyon,” ani Estrada. (NIÑO ACLAN)