SUPORTADO ni Senador Win Gatchalian ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) para sa pagbabalik ng dating school calendar na nagsisimula sa Hunyo at nagtatapos ng Marso o Abril.
Matatandaang ipinanawagan na noon ni Gatchalian ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar. Para sa senador, ang pagbabalik sa dating school calendar ay magbibigay sa mga mag-aaral ng pagkakataong makasama ang kanilang mga pamilya, lalo na’t sa panahon ng tag-init o summer madalas ginaganap ang mga family outing. At dahil sa buwan ng Mayo naman ginaganap ang halalan, maaaring magbigay ng mas maraming panahon sa paghahanda kapag bumalik sa dating school calendar.
Sa isang Pulse Asia survey na isinagawa mula Hunyo 19 hanggang 23, 2023, 80% ng mga Pilipino ang pabor sa pagbabalik ng summer break sa Abril at Mayo.
Matatandaang naghain si Gatchalian ng Proposed Senate Resolution No. 672 noong nakaraang taon upang suriin ang mga batayan ng school opening. Sa isang pandinig na ginanap noong Agosto 23, 2023, binigyang diin ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services (PAGASA) na bagama’t hindi kasabay ng kasalukuyang school calendar ang mga araw na may malakas na ulan at mas kaunting mga class cancellation dahil sa mga bagyo, kasabay naman nito ang mga araw na sobrang init. Binigyang diin din ng ahensya na umakyat na ng 0.75 porsyento ang average na temperatura sa Pilipinas.
Samantala, muling ipinagpatuloy ng DepEd ang mga konsultasyon sa mga stakeholders, kabilang ang grupo ng mga guro, mga paaralan, mga magulang, at mga student-leaders. Ibinahagi ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas ang naging kasunduan sa DepEd na wakasan nang mas maaga ang School Year 2023-2024. Nakatakda ang pagwawakas ng school year sa Hunyo 14 ngunit napagkasunduan ang mas maagang pagwawakas ng school year.
Paliwanag naman ni DepEd Deputy Spokesperson Francis Cesar Bringas, balak ng kagawaran na buksan sa Hulyo ang SY 2024-2025, at Hunyo naman sa pagbubukas ng SY 2025-2026. Patuloy ang mga konsultasyon sa pagitan ng DepEd at mga stakeholders hanggang sa magkaroon ng pinal na polisiya.
“Mahalaga ang pagsasagawa ng maayos na konsultasyon sa lahat ng stakeholder lalo na’t pabor ang karamihan sa ating mga kababayan na ibalik sa buwan ng Hunyo ang simula ng pasukan,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education. (NIÑO ACLAN)