RATED R
ni Rommel Gonzales
MULING nagsanib-puwersa ang GMA Public Affairs at YouTube para sa ikalawang taon ng Pinoy Christmas in Our Hearts, isang online digital series na nagpapakita ng mga kuwentong Pasko ng mga Pinoy.
Tampok sa taong ito sina Asia’s Multimedia Star Alden Richards, YouTube vloggers Beks Batallion, at Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee.
Maghahatid-saya sila sa mga OFW sa pamamagitan ng pagbibigay ng sorpresa para muling maranasan ng mga ito ang Paskong Pinoy.
Tiyak gagawing extra special ni Alden ang holiday season ng isa niyang tagahanga. Nagsisikap ang OFW na si Abigail Gallosa sa Hong Kong para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang ate at nanay sa Cebu. Para maibsan ang kalungkutan na malayo sa pamilya, nililibang niya ang kanyang sarili sa panonood ng mga palabas ng hinahangaan niyang Kapuso star na si Alden.
Sa pagtatapos ng kanyang kontrata sa Hong Kong, makakapagdiwang na si Abigail ng Pasko kasama ang kanyang ate at nanay sa Pilipinas. Pero mas magiging merry ang kanyang Pasko dahil sosorpresahin siya ni Alden ng isang ‘holi-date’ sa Christmas Capital of the Philippines — Pampanga.
Anim na Paskong hindi nakakauwi sa Siargao ang ngayo’y fruit-picker sa Australia na si Mariel Larsen. Ang asawa niyang Australiano na si David at ang apat na taong gulang nilang anak ay naninirahan sa kanilang munting camper van. Ngayong Pasko, uuwing muli si Mariel at kanyang pamilya sa Pilipinas para sorpresahin ang kanyang mga magulang. Sasamahan din sila ng YouTube vloggers na Beks Battalion sa pagbuo ng belen sa Tarlac para sa taunang Belenismo.
Sigurado ring mapapangiti ni Michelle ang isang teenager sa pamamagitan ng isang simple ngunit makabuluhang sorpresa. Mahilig ang 16-taong gulang na si Sire Garcia sa Siyensya at Robotics, impluwensiya ng kanyang Tatay Jervin na 12 taon nang OFW sa Saudi Arabia. Naging maaga ang kanilang Pasko dahil nakauwi na ang ama niya nitong Nobyembre 14. Ngunit makalipas ang ilang linggo, kinailangan na rin nitong bumalik sa Saudi.
Para mapawi ang lumbay, kinomisyon ni Tatay Jervin si Michelle na i-treat ang kanyang pamilya para sa isang natatanging Christmas adventure.
Damhin ang diwa ng Paskong Filipino sa Pinoy Christmas in Our Hearts Year 2 na eksklusibong mapapanood sa GMA Public Affairs’ YouTube Channel (https://www.youtube.com/gmapublicaffairs) simula sa Disyembre 13.