RATED R
ni Rommel Gonzales
WALA kaming masyadong expectations sa pelikulang Ikaw At Ako noong una.
Nakapunta kami dati sa first shooting day ng pelikulang bida sina Paolo Contis at Rhian Ramos early this year pa at sa pakikipagtsikahan namin sa kanila, akala namin ay light romance ang movie.
Pero noong napanood namin a few nights ago ang pelikula sa premiere night nito sa SM Megamall sa imbitasyon ni Ms. Virginia “Lexie” Salmasan na executive producer ng Fraganto Productions,nagulat kami.
Malalim at may kabigatan pala ang pelikula na isa palang heavy drama.
Kasi nga, Paolo Contis na kilalang komedyante ng Bubble Gang at host ng Eat Bulaga! kaya akala namin hindi ganoon kadrama.
Maraming heavy drama scenes sa pelikula na nagpapakita ng conflict ng mag-asawa na nagsimulang magmahalan noong mga bata pa lamang sila hanggang sa umabot sila sa edad na sakit na ang kanilang kalaban.
Mahusay sina Rhian at Paolo, ipinakita nila na drama actors silang pareho. Kahit open book sa publiko na may masayang lovelife ang dalawa with their respective partners, nakabuo sila ng chemistry between them at ‘yung mga intense moment nila ng drama, drama kung drama naitawid nila ng mainam.
At ‘yung twist ng character ni Andrew Gan as Rhea, nakagugulat at nakaaaliw. Ang sarap panoorin ng isang straight na lalaki portraying a gay role na hindi overacting.
Sana palaging mabibigyan ng projects si Andrew, magaling siyang artista, guwapo pa.
Distributed ng Viva Films, palabas na sa mga sinehan ang Ikaw at Ako, sa direksiyon ng paborito ng Magpakailanman na direktor, ang “dahlin’” namin na si Rechie del Carmen.
Iba rin itong si direk Rechie, kung titingnan mo, chill lang siya, masayahin, pero nakaguhugot pala ng mga kadramahan sa buhay at naisasalin sa big screen.
Sana more movies from direk Rechie, huwag laging sa TV lang.