GINAWARAN ng Presidential Communications Office – Freedom of Information Program (PCO-FOI) ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng natatanging karangalan noong Martes, ika-21 ng Nobyembre 2023, bilang pagkilala sa Board sa pagtalima nito sa aktibong pagsulong ng transparensi at pananagutan sa pamahalaan.
Ito ang ikatlong beses na tumanggap ng parangal ang MTRCB mula sa PCO-FOI. Naging 1st runner-up ang MTRCB noong 2020 at 2nd runner-up noong 2021. Ang patuloy na pagkilala ng PCO-FOI sa MTRCB ay nagpapatunay sa dedikasyon ng borad na isulong ang “access to information” at responsableng panonood at paggamit ng media.
“Ang MTRCB ay taos-pusong nagpapasalamat sa parangal na ito mula sa Presidential Communications Office – Freedom of Information Program,” sabi ni Lala Sotto, Chairperson ng MTRCB. “Ito ay testimonya ng aming patuloy na bokasyon tungo sa transparensi at pananagutan, mga adbokasiya na bahagi ng aming masugid na misyon.”
Sa pamamagitan ng Responsableng Panonood (RP) Information Campaign, layon ng Board na bigyan ng kaalaman at kakayahan ang mga manonood na gamitin ang MTRCB Ratings System para maging mapanuri at responsableng makapamili ng mga panooring makabuluhan.