RATED R
ni Rommel Gonzales
KAHIT may pandemic pa rin na dulot ng pesteng COVID-19, nakatutuwa at nakagagaan ng puso na halos bumalik na sa normal ang ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Hindi na mahigpit ang mga health protocol, hindi na mandatory ang pagsusuot ng face mask at wala ng gumagamit ng face shield na siyang senaryo noong 2020 hanggang 2021.
Balik-sigla na rin ang ekonomiya at mga negosyo, tulad ng beauty and wellness, na noong kasagsagan ng pandemya ay unang ipinasara ng gobyerno at health department.
Kuwento sa amin ng Nailandia spa and nail salon owner na si Noreen Divina.
“So nagsara kami mga one and a half years, on and off iyon.
“‘Di ba August nagluwag tapos by December nag-strict na naman sila.
At naging mabuti naman ang puso nina Noreen at mister at co-owner niyang si Juncynth Divina sa mga panahong iyon.
“Hindi ko siningil ng royalty ang branches noong sarado sila kasi nakakaawa rin naman,” lahad sa amin ni Noreen.
Sa kabutihang-palad, sa ngayon ay dagsa ang mga kliyente sa branches ng Nailandia.
“Ay naku sobra, napakalaking tulong sa amin lalo na sa mga franchisee kasi sa kanila talaga ako naaawa before na alam mo mababait sila kasi ‘pag walang trabaho ang staff nila, they give rice, they give ayuda kahit walang kita.
“Binibigyan nila at nakatutuwa sila actually so, napakabait nilang tao, lahat, ‘yung parang pay forward, ang babait nila siguro dahil din napagbibigyan namin sila kung ano ‘yung dapat i-impart din nila sa employees nila.
“And ito na nagluwag na, ay naku, dagsa, dagsa ang mga customer namin. Nasabik ang mga tao sa services namin, sobra,” ang masayang bulalas ni Noreen.