RATED R
ni Rommel Gonzales
IPALALABAS na sa mga sinehan sa December 13 ang Unspoken Letters na pinagbibidahan ng young actress na si Jhassy Busran.
Natanong si Jhassy kung ano sa palagay niya ang maaaring maging hatak ng pelikula para panoorin ng publiko?
“It is a family-oriented drama movie so parang iyon ‘yung isa sa tingin ko na magiging panghatak niya sa mga tao, na bago po sa paningin nila.
“Hindi lang po kasi siya istorya lang basta ni Felipa, istorya po ng buong pamilya, so kung ako po ang viewer gusto ko siyang mapanood kasi hindi lang siya basta kuwento lang, mayroong meaning ‘yung kuwento.
“Mayroong matututunan in handling a special child, mayroon kang matututunan sa pamilya mo kung paano ka makisama sa pamilya, kung may hidwaan kayo ng pamilya mo, it tackles the important things sa pamilya mo.
“Kaya isa po iyon sa dahilan kung bakit dapat nilang mapanood ang movie,” lahad ni Jhassy na si Felipa na isang special child sa pelikula.
Gaganap di sa mahahalagang papel sa Unspoken Letters sina Gladys Reyes, Matet de Leon, Simon Ibarra, Tonton Gutierrez, at Glydel Mercado gayundin sina Daria Ramirez, Deborah Sun, Orlando Sol, John Heindrick, Christine Samson, at MJ Manuel.
Ang Unspoken Letters ay sa panulat at direksiyon ni Gat Alaman na siya ring executive producer ng pelikula, co-director naman niya si Paolo Bertola at associate director si Andy Andico.
Samantala, idolo ni Jhassy si Kathryn Bernardo kaya natanong ito kung kaya na rin ba niyang maging daring at mapangahas sa pelikula tulad ng ginawa ng aktres sa A Very Good Girl?
“For me kasi parang andami na ring pinagdaanang roles ni Kathryn bago siya pumasok sa ganoong klaseng genre ng pelikula.
“Ako sa ngayon siguro hindi pa siguro. And I don’t think for now, I can, since 17 pa lang po ako.
“And I’m very happy na lumalabas po siya sa nakanasayan niyang roles, na may loveteam, may ganito, ganyan.
“Na she’s trying to achieve ng solo. But for me, magkaiba rin po kasi kami ng gustong career path na i-take rin. And siya kasi malayo na ‘yung narating niya, ako nagsisimula pa lang po.
“And for now, I don’t think I can. But who knows? Pero ngayon po, ayoko po,” giit pa ni Jhassy.