PATAY ang dalawa katao kabilang ang isang provincial board member sa insidente ng pamamaril na naganap sa harap ng pampublikong pagamutan sa bayan ng Sumisip, lalawigan ng Basilan, nitong Miyerkoles ng hapon, 8 Nobyembre.
Kinilala ni Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army, ang dalawang napaslang na sina Basilan board member Nasser Asarul; at Basid Karim, isang isang civilian militia.
Ayon kay Luzon, sangkot ang dalawa sa “rido” o alitan ng mga angkan.
Nabatid na bago naganap ang barilan dakong 1:50 pm kahapon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Asarul laban kay Karim sa kalapit na karinderya.
Ayon kay P/SMSgt. Gajhier Baral, imbestigador ng kaso, kumakain ng meryenda si Asarul sa isang karinderya nang lumapit ang suspek na kinilalang si Basid Karim, at nakipagtalo sa biktima na kalaunan ay pinaputukan ang grupo ni Asarul.
Nagawang makaganti ng putok ng isa sa mga kasama ni Asarul kung saan tinamaan si Karim.
Kabilang ang grupo ni Asarul sa convoy ni Basilan Governor Jim Hataman-Salliman ngunit nagpaiwan ang huli upang makasama ang kanyang mga magulang.
Nagpahayag ng pakikiramay ang gobernador sa pagkamatay ni Board Member Nasser Asarul at nanawagan sa pulisya at militar ng lalawigan ng Basilan na malalimang imbestigahan ang kaso.