INIHARAP ni Senate committee on finance chairman Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara sa plenaryo ng senado ang panukalang P5.768 trilyon pambansang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Angara, ang halagang ito ay katumbas ng 20 porsiyento ng kabuuang ekonomiya o Gross Domestic Product (GDP) ng ating bansa.
Mas malaki rin ito nang halos 10 porsiyento o (9.5%) kompara sa 2023 national budget.
Sa kabuuang halaga ng panukalang 2024 national budget, P4.02 trilyon ang programmed funds, P281.9 bilyon ang unprogrammed habang nasa P1.748 trilyon ang automatic appropriations.
Tiniyak ni Angara, mabibigyan ng sapat na pondo ang mga flagship program ng gobyerno kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); ang Build Better More Program; pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act; at ang Tulong Trabaho Act.
Dagdag ng mambabatas, nakapaloob dito ang mga hakbang na nais tahakin ng pamahalaan para maisakatuparan ang Medium-Term Fiscal Work (MTFF) at ang 2022-2028 Philippine Development Plan (PDP).
Ani Angara, naka-focus rin ang 2024 budget sa pagpapahusay ng kakayahan ng Filipinas na tiyakin ang ating National Security, panatilihin ang ating territorial integrity at panindigan ang ating soberanya. (NIÑO ACLAN)