Mas maraming events, mas maraming participating schools.
Ito ang tiniyak ni Sen. Francis Tolentino para sa susunod na Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games sa taong 2024 bago magsimula ang opening ceremony ng 2023 National Championships kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“Mas maraming mga atleta, mas maganda,” wika ni Tolentino, ang may konsepto ng nasabing kompetisyon para sa mga cadet-athletes ng Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy.
Mayroon lamang pitong events sa inaugural ROTC Games na kinabibilangan ng 3×3 basketball, volleyball, athletics, arnis, boxing, kickboxing at e-sports.
Ayon kay Sen. Tolentino, posibleng idagdag sa susunod na taon ang jiu-jitsu, obstacle course at taekwondo.
“Marami pang iba na gustong sumali, pero pag-aaralan pa po ang mga ito ng ating organizing committee dahil mahirap po talaga,” wika ng Senador.
Matapos ang makulay na opening ceremony na dinaluhan ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr. ay papagitna ang mga finals sa athletics sa Philsports Track Oval sa Pasig City.
Ang mga gold medals na pag-aagawan ay sa men’s at women’s 200-meter run at men’s at women’s 4×100-meter relay.
Magsisimula rin ang mga elimination bouts sa boxing sa Dacudao Court sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila, habang patuloy ang mga laro sa volleyball sa Technological State University (TUP) Gym, Manila. (HATAW Sports)