INILUNSAD ni Cong. Dante Marcoleta noong Sabado ang Adopt-a-Farmer Program na magbebenta ng mura at masarap na bigas para sa masa at magbibigay ng dadgag kita para sa magsasaka.
Ang programa ni Marcoleta ay isang malawakang kampanya para sagipin ang mga magsasaka ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng isang pormula na susupil sa mga hoarders at smugglers- na pinaniniwalaan niyang pangunahing sanhi sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Sa paglulunsad na isinagawa sa Barangay Cristo Rey, Capas, Tarlac, ibinenta ng grupo ni Marcoleta ang magandang bigas na denorado sa halagang P35 pesos lamang, mas mababa ng 17 piso sa aktwal na bentahan sa merkado.
Daan-daang mga taga Capas ang pumila at bumili dahil sa mura at masarap na bigas. Itinakda sa limang kilo ang limit kada pamilya para mas marami ang makinabang at maiwasan din ang panic buying at hoarding.
Ang naturang programa ni Marcoleta ay naaayon sa adyenda ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos
na maibaba ang presyo ng bigas at makamit ang kasapatan at seguridad sa pagkain.
“Para maging matagumpay ang programang ito, kailangan nating tipunin ang mga makabayang negosyante ng ating bansa at himukin silang mamuhunan sa simulaing ito kahit walang kita. Sapagkat ito lang ang paraan na makakatulong tayo sa ating mga magsasaka, sa ating mga kababayan at pati na din sa ating pamahalaan”, banggit ni Marcoleta.
Ang naunang duminig sa panawagan ay ang negosyanteng si Tony Marfori at mga miyembro ng Pampanga Chamber of Commerce na bumili ng aning palay direkta mula sa mga magsasaka sa halagang mas mataas ng 3 piso sa P19 pesos buying price ng National Food Authority (NFA).
Ang palay ay pinatuyo, pinakiskis ng mabuti sa mga maliliit na millers at ipinagbili ang bigas sa break-even na halaga.
Ang Tarlac ay personal na pinili ni Cong. Marcoleta sa pagsisimula ng programa bilang pagbibigay pugay sa kanyang mga kapwa Tarlaqueño bago ito ipalaganap sa iba’t ibang probinsya at rehiyon sa mga susunod na linggo.
Kasama din na dumala sa aktibidad ay sina dating Capas Mayor TJ Rodriguez, mga kasapi ng Provincial Board Member League of the Philippines, at mga opisyal ng naturang barangay.